Sampaguita (174)

“HINDI na ako naalaala nina Papa at Mama, Lola. Pinabayaan na ako!’’ Sabi ni Sampaguita at napaiyak.

Niyakap siya ng kanyang Lola Rosa.

“Huwag ka nang ma- lungkot o magalit, Sampaguita. Narito naman ako.’’

‘‘Naaawa ako sa’yo Lola. Matanda ka na pero apektado pa rin ng problema na ginawa nina Papa at Mama. Kaya hindi nila ako masisisi kung lumayo ang loob ko sa kanila. Kung pamimiliin ako kung sino ang mahal ko, ikaw pa rin ang pipiliin ko Lola. Ikaw ang tunay na nagmahal sa akin.’’

Mahigpit na niyakap ni Lola Rosa ang apo. Nabagbag ang loob sa sinabi ni Sampaguita.

“Siguro naman, malalaman nila ang mga kamaliang ginawa sa’yo. Malay mo isang araw ay magpakita ang papa at mama mo.’’

“Hindi ko na inaasahan iyon Lola. Ayaw ko nang umasa. At gaya nang sabi mo, kahit wala sila, e narito ka naman. Maligaya na ako na ikaw ang aking kasama.’’

‘‘Sa palagay mo kailan tayo uuwi sa probinsiya? Hindi ba nakakahiya kay Sir Manuel na para tayong mga senyora at senyorita rito.’’

“Hindi po Lola. Napakabait po ni Sir Manuel.’’

‘‘Oo nga Apo. Nang una ko siyang makita, nahulaan kong mabuti siyang tao.’’

‘‘Sabi po niya, siya ang aming ninong ni Ram kapag ikinasal kami.’’

‘‘Talaga? E kailan nga ba kayo magpapakasal?’’

“Pag-uusapan na po namin, Lola.’’

‘‘Sige. Sana maabot ko pa ang aking apo sa tuhod.’’

Nagtawa si Sampaguita.

Maya-maya may kumatok sa pinto.

Binuksan ni Sam.

Si Ram.

“Magandang gabi po Lola,’’ bati nito at nagmano sa matanda.

‘‘Ram, kailan kayo pakakasal ni Sam? Gusto ko, magkaapo na sa inyo. Matanda na ako.’’

“Malapit na po Lola.’’

‘‘Kapag nagkaapo na ako sa inyo, bibigyan ko rin ng mutya. ‘Yung mas matinding mutya.’’ (Itutuloy)

Show comments