MALAPIT na ang birthday ni Jayson at nag-iisip na si Elmer kung ano ang ireregalo niya sa kanyang kuya. Si Jayson ay kahihiwalay lang sa girlfriend nito at tatlong buwan nang walang trabaho dahil nagsara ang kompanya. Ito ang dahilan kung bakit gusto ni Elmer pasayahin ang kapatid.
Minsan ay nasulyapan ni Elmer ang hitsura ng kapatid habang naglalakad ito sa labas ng kanilang bahay—ulong nakatungo, bagsak na balikat at lakad na tila napakabigat ng bawat hakbang. Nakita niya sa kanyang kuya ang larawan ng isang talunan. Bigla! Naisip niya kung ano ang magandang iregalo dito.
Isang artist si Elmer. Guguhit siya ng larawang tiyak na magugustuhan ng kanyang kuya. Ilang araw din nilamay ni Elmer ang obrang ireregalo sa kapatid
Kaarawan ni Jayson. Tinawag ni Elmer ang kanyang kuya at pinapasok sa kanyang kuwarto. Naroon ang painting na ginawa ni Elmer ngunit tinakpan niya muna ito ng tela para surprise.
“Gift ko sa iyo Kuya. Happy birthday!”
Nang tanggalin ang takip ay tumambad ang nakatawang larawan ni Jayson. ‘Yun hitsura niya kapag humahagalpak siya nang tawa kapag nagbibiruan silang magkapatid.
“Uy, ang guwapo ko diyan sa painting!” sabi ni Jayson na nakangiti. Isang ngiting matagal-tagal din hindi sumilay sa mga labi nito. “Thank you ‘tol. Simula ngayon ay ganyan na ang magiging hitsura ko… para pogi. Pangit ko siguro noong mga nakaraang araw ano?”
Tinupad ni Jayson ang pangako. Ginaya niya ang nasa larawan. Hanggang nakalimutan na niya kung paano ang sumimangot at magmukhang talunan
“Don’t cry because it’s over, smile because it happened.”
— Dr. Seuss.