IDINIIN pa ni Ram ang kanyang labi sa maninipis na labi ni Sam. Lalo pang dumaloy ang kuryente sa kanyang katawan at naramdaman niyang nagigising na si Sam. Nagkaroon ng init. Hanggang magbaga at naglaban ang kanilang mga labi. Nakakapaso ang init subalit hindi masakit. Masarap ang paglalaban ng dalawang labing nagmamahalan. Ang isang tiyak ni Ram, may malay na ang babaing minamahal.
Nang maghiwalay ang kanilang mga labi ay naghabol sila ng hininga. Iyon ang pinakamasarap na paglalapat ng kanilang mga labi.
“Salamat at nagkamalay ka na Sam!’’
Nakatingin si Sam sa kanya. Parang hindi pa ganap na nauunawaan ang lahat. Parang nanggaling sa isang mahabang panaginip.
“Matagal ba akong nakatulog, Ram?’’
“Hindi ko masabi Sam. Natagpuan na lamang kita na nakahiga rito. Matagal na kitang hinahanap? Ano ba ang huli mong natatandaan?’’
Nag-isip si Sam. Hinahagilap ang mga nangyari.
“A natatandaan ko na, nang umalis ako sa lugar na may alambre, lumakad ako nang lumakad. May nadaanan akong ilog at uminom ako roon. Naglakad uli ako hanggang sa makaramdam ako nang matinding antok. Nakita ko ang kubo na ito at nahiga ako sa papag.’’
“May nadaanan kang ilog at uminom ka?’’
“Oo.”
“Baka iyon ang dahilan kaya ka inantok. Pero nagtataka ako, wala naman akong nadaanang ilog. Pawang kakahuyan ang nadaanan ko. Hindi kaya may nakagusto sa iyong engkanto.’’
“Hindi ko alam, Ram. Basta hindi ko napigilan ang antok at paglapat ng likod ko sa papag, wala na akong nalaman.’’
Napatango si Ram.
“Siyanga pala Ram, mabuti at nakaligtas ka. Nasaan na ang baliw na si Levi?’’
“Patay na siya. Napatay ng mga pulis. Wanted pala ang taong yun. Isa palang drug lord. Dito pala sa resort niya ibinabagsak ang shabu.’’
“Wala na pala tayong problema, Ram.’’
“Oo, wala na.’’
Hanggang may marinig silang nag-uusap sa labas ng kubo.
Nagkatinginan sina Sam at Ram.
(Itutuloy)