MARAMING pulis ang nagsa-sideline kapag off duty na. Nagmamaneho sila ng pampasaherong jeepney, taxi o UV Express lalo na rito sa Metro Manila.
Walang masama sa ginagawang ito ng mga pulis dahil nais nila na kumita pa ng karagdagan sa malinis na pamamaraan.
Pero alam n’yo bang ang ilang pulis na driver ay kabilang sa mga pasaway sa kalye at madalas lumalabag sa batas trapiko.
May nakausap akong traffic enforcer ng MMDA na kadalasan ay hindi nila maisyuhan ng tiket ang mga lumalabag na UV Express, jeepney o taxi driver dahil ang mga ito ay mga aktibo rin palang pulis.
Kapag sinita, agad na nagpapakilalang pulis at minsan ay nakasabit na ang kanilang ID at nakasukbit ang kanilang mga baril kaya ang resulta ay mapipilitan ang mga MMDA traffic enforcer na hayaan na lang at huwag pansinin ang mga abusadong pulis.
Sa pagkakataong ito, dapat na maghigpit ang Highway Patrol Group (HPG) at hindi dapat palusutin ang mga abusadong driver na pulis lalo na sa EDSA. Kahit pulis kapag lumabag sa batas trapiko ay agad patawan ng parusa.
Mas makabubuti kung pagbawalan ang mga pulis na magmaneho ng mga pampasaherong sasakyan kapag off duty na para hindi na umabuso.
Hindi masamang mag-sideline sa pagmamaneho ang mga pulis pero huwag gamitin ang kapangyarihan ng tsapa o baril para makapangabuso sa kapwa at lantarang bastusin ang batas trapiko.