MARAMI ang matutuwa lalo na ang ice cream lovers dahil may naimbento ang scientists sa Scotland na ice cream na hindi agad natutunaw. Kahit pa nasa beach at nakalantad sa init ng araw, hindi agad-agad matutunaw ang ice cream at marami ang masisiyahan.
Sabi ng mga scientists at researchers sa mga unibersidad sa Dundee at Edinburgh, natagpuan na nila ang solusyon para mapanatiling frozen sa matagal na oras ang ice cream. Isang special protein ang kanilang natuklasan at ito ang magba-bind sa air, fat at water para mapatibay at hindi agad matutunaw ang ice cream kahit pa nakabilad sa araw.
Ayon pa sa mga scientists, ang bagong recipe ay magbibigay sa ice cream ng malambot at pinong texture kaya mas masarap ito.
Sabi ni Professor Cait MacPhee, excited sila sa bagong ice cream na tiyak na kagigiliwan nang marami. Ganunman, maaaring tatlo hanggang apat na taon pa bago ito maging available sa market.
Lalaki sa Mexico, nasugatan sa ulo nang salakayin ng UFO
HINDI malilimutan ni Francisco Acosta Tostado, 68, ng Paso de Ovejas, Mexico ang nangyari sa kanya noong nakaraang buwan habang nagba-bike sa highway isang madaling araw. Sinalakay umano siya ng isang “unidentified craft” naging dahilan para siya mahulog sa bike.
Ayon kay Tostado, banayad siyang nagba-bike sa highway nang matanaw niya ang isang tila spacecraft na mababa ang lipad. Sa sobrang baba ng lipad ay halos kapantay lamang niya ito. Tinumbok siya ng kakaibang sasakyan na naging dahilan para siya umilag at nawalan ng balanse. Bumagsak siya sa kalsada.
Dahil sa takot ni Tostado na balikan siya ng spacecraft at dalhin sa ibang daigdig, gumapang siya sa damuhan at kakahuyan sa gilid ng kalsada at nagtago. Hanggang natuklasan niyang may sugat pala siya sa ulo.
Hanggang maispatan siya ng mekaniko na si Policarpio Carvajal habang nakahiga sa damuhan. Tinulungan niya si Tostado.
Nang dumating ang mga pulis at makita ang sugat ni Tostado, sinabi nitong sinalakay siya ng extraterrestrials at gusto siyang kidnapin.
Ganunman, sinabi ng mga awtoridad na maaaring ang sumalakay kay Tostado ay mabangis na hayop na gaya ng coyote. Pero sabi ng mga magsasaka ang sugat sa ulo ni Tostado ay hindi kagagawan ng hayop.
Walang maibigay na paliwanag ang mga pulis.