‘Mga buhok sa pasaporte’

NAKATANGGAP na kami ng reklamo tungkol sa ABC Manpower Agency sa Makati mula kay Mary Ann Raborar, ngayon naman ay may lumalapit sa amin si Evangeline Rollon na halos pareho ang modus nito dun sa nauna.

Kwento ni Evangeline nag-apply siya sa ABC Manpower noong Setyembre 2014. Sabi ng kanyang nakausap wala daw silang babayaran.

“Libre lang daw ang pagpapa-medical. Nung pagpunta ko dun pinagbihis kami ng uniporme na pang-kasambahay,” salaysay ni Evangeline.

Kinuhanan sila ng litrato at dinala na siya sa klinika malapit sa opisina ng mga ito. May kasama siyang isang staff ng ABC at yun ang kumausap sa mga doktor na nandoon.

Isinailalim na siya sa ‘medical examination’ ngunit hindi daw ito natapos.

“Gabing-gabi na kasi nun kaya’t hindi namin natapos lahat ang kailangan kong pagdaanan,” ayon kay Evangeline.

Nung una daw ay gusto niya sa Jeddah ngunit may babayaran sa training at wala naman siyang pera kaya’t sa ibang lugar na siya ipapadala.

Pangako sa kanya ng ahensiya makakaalis na siya makalipas ang isang buwan. Dumaan daw sila ng training at pinaglinis sila ng buong building ng ABC Manpower.

Tumagal ang paghihintay ni Evangeline na paalisin siya ng bansa nag back-out na siya.

“May anak akong kailangan suportahan. Lumalaki na siya at marami na ang kailangan. Single mother ako at nakakahiya namang aasa lang ako sa magulang ko,” wika ni Evangeline.

Nagtanong siya sa ahensiya kung paano kung hindi siya tumuloy. Sagot sa kanya kailangan niya daw magbayad ng Php5,500.

Inilaban ni Evangeline na hindi naman nakompleto ang pagme-medical sa kanya at wala siyang nakitang resibo. Maging resulta nito ay wala siyang nahawakan.

“Kahit daw hindi tapos package daw yun at kailangan talaga bayaran. Bayad daw kasi yun ng ahensiya. Marami na din akong nakakausap na ayaw na nilang tumuloy dahil sa tagal ng hintayan,” pahayag ni Evangeline.

Dinala pa ni Evangeline ang kanyang ina upang pakiusapan ang ABC Manpower ngunit wala namang nangyari.

May ilang kakilala na din si Evangeline na gusto siyang kunin para magtrabaho sa ibang bansa ngunit ayaw namang ibigay sa kanya ang pasaporte.

“Sa 2017 pa mapapaso ang pasaporte ko. Sayang na sayang naman ang mga oportunidad kung iipitin lang nila ito,” ayon kay Evangeline.

Isa sa naging dahilan kung bakit ang ABC Manpower ang kanyang piniling lapitan dahil wala daw itong babayaran. Wala siyang pera para panggastos sa ilang hinihingi ng ahensiya sa kanya.

Sa ngayon malaking bagay ang Php5,500 sa kanila. Sinusubukan siyang tulungan ng kanyang kapatid na mabuo ito ngunit maliit lang naman daw ang sahod nito.

“Sana matulungan niyo po akong mabawi ang pasaporte ko,” sabi ni Evangeline. “Hinahabol ko lang ang karapatan ko hindi ko naman alam na ito pa ang magiging dahilan para mawalan ako ng trabaho,” sabi ni Doms.

Sa isang kwento naman isang kilala kong ‘hair stylist’ na nagtatrabaho sa David’s Salon Kapitolyo Branch ay inilapit sa amin ang kanyang problema, siya si Domingo “Doms” Hatol.

Sampung taon na siyang namamasukan sa David’s Salon, Kapitolyo Branch.

Pinagbubuti niya ang kanyang trabaho bilang barbero para maitaguyod ang kanyang pamilya. Maayos naman daw ang pasahod sa kanila at kinakaltasan pa sila para ihulog sa kanilang mga benepisyo.

Halagang Php383.00 ang ibinabawas sa kanya bawat buwan para sa SSS, isang daan sa PAG-IBIG at Php125.00 sa PhilHealth.

Buwan ng Enero 2015 nang magpunta si Doms sa tanggapan ng SSS Main Office.

“Manganganak na kasi ang asawa ko. Kailangan kong maghanap ng panggastos. Inisip ko na maglo-loan na lang ako,” sabi ni Doms.

Sa halip na mga ‘requirements’ na ang asikasuhin ni Doms kailangan niya pa palang kausapin ang kanilang opisina dahil wala daw hulog ang kanyang SSS.

“Nagreklamo ako sa kanila pero ang kinalabasan tinanggal lang nila ako sa trabaho,” salaysay ni Doms.

Wala daw ibinigay na ‘separation pay’ ang salon kay Doms. Kung kailan nangangailangan siya ng pera para sa pamilya ay saka naman siya tinanggal.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, inilapit namin ito kay Asec. Frank Cimafranca, head ng Consular Affairs para ilapit ang pagbawi ng pasaporte ni Evelyn.  Inutusan niya ang kanyang task force para mabawi ang pasaporte nito.

Sa mga recruiters kayo din ang mapeperwisyo kapag ginawa niyong pamprenda ang pasaporte ng may-ari at kayo naman ay p-wedeng iblack-list ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Ang tungkol naman sa reklamo ni Doms, tinutulungan namin siya sa Corporate Media Affairs ng SSS sa pamumuno ni Ms. Mae Rose Franciso kung linabag nga ng David’s Salon Kapitolyo Branch ang SSS Law na RA 8282. Inilapit na din namin siya sa Public Attorney’s Office (PAO) para igawa siya ng ‘position paper’ sakaling sila ay magharap na sa National Labor Relations Commission (NLRC).

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Show comments