NOONG Lunes, apat na oras ang naaksaya sa maraming motorista at pasahero dahil sa grabeng trapik. Nang umulan, lalo nang bumigat ang trapik at halos wala nang galawan ang mga sasakyan. Ma-tindi ang trapik sa C5 road, EDSA at mga kalsadang nakapaligid sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Ang ibang motorista, naghanap ng alternate route para makarating sa kanilang appointment su-balit maski ang mga kalsadang pinili nilang daanan ay namumutiktik din sa sasakyan at wala ring galawan.
Noong Miyerkules ay grabe rin ang naranasang trapik sa Metro Manila. Usad pagong ang EDSA, C5 at ang mga kalsada sa NAIA. Wala namang okasyon sa bansa pero grabe ang trapik.
Kahapon, grabeng trapik na naman ang naranasan sa EDSA at Quezon Avenue. Halos araw-araw na ang trapik at nagbibigay stress sa mamamayan. Marami ang hindi umabot sa kanilang trabaho at school. Ang iba, inagahan na ang bangon para hindi ma-late su-balit walang pagbabago sa sitwasyon ng trapik sa mga pangunahing lansangan.
Nagpaumanhin naman ang gobyerno sa nararanasang trapik sa Metro Manila. Ang mga isinasagawang konstruksiyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang dahilan kaya mabigat ang trapik. Kabi-kabila ang trapik dahil sa ginagawang SLEX-NLEX connector, skyway sa NAIA at mga paghuhukay sa marami pang kalsada dahil ginagawang flood control project. Halos sabay-sabay ang mga proyekto ng DPWH na nagdudulot ng kalbaryong trapik. Sabi pa ng DPWH, maaaring sa sunod na buwan ay lalo pang bumigat ang trapik dahil sa sisimulang extension ng LRT patungong Masinag, Antipolo.
Nauunawaan ng mga tao ang ginagawa ng DPWH pero ang hindi nila maunawaan ay ang mahinang traffic management ng MMDA. Sa EDSA ay nananatili ang mga nakabalandrang bus sa Aurora Blvd. Kahit nagtipon doon ang mga traffic enforcer, walang nagtataboy sa mga nagsasakay at nagbababa ng pasahero. Hindi rin naman mahatak ng MMDA ang mga sasakyang nakaparada sa magkabilang gilid ng kalsada na nagdudulot ng trapik.
Kailan magkakaroon ng epektibong traffic ma-nagement ang MMDA? Kailan makakalaya sa perwosyong trapik ang mamamayan?