MULING ipinamalas ng Land Transportation Office ( LTO) kung gaano sila kapalpak at walang kuwentang ahensiya ng gobyerno.
Ito ay matapos ang panibagong trahedya sa kalsada kung saan ay naaksidente ang bus ng Valisno Express na ikinamatay ng apat katao at 18 ang malubhang nasugatan sa Quezon City.
Gusto yatang magpapogi ng LTO sa mata ng publiko kung kaya sumakay na naman sa isyu ng aksidente ng mga Valisno bus dahil nagpositibo sa paggamit ng shabu ang bus driver.
Agad naglabas ng statement ang LTO na kanilang ikinokonsidera ang muling pagbuhay ng mandatory drug testing sa mga driver na nais kumuha o mag-renew ng kanilang lisensiya.
Naalis na kasi ang mandatory drug testing sa pagkuha ng driver’s license dahil sa pag-iral ng bagong batas ang Republic Act 1056 (Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013).
Batay sa bagong batas, maaring magsagawa ng random drug tests ang LTO sa lahat ng public utility vehicle upang matiyak na hindi gumagamit ng iligal na droga o nakainom ng alak ang mga drayber ng pampublikong sasakyan.
Kung mahigpit na ipinatutupad ng LTO ang nasabing batas ay malamang na maiiwasan o mababawasan ang trahedya sa kalsada.
Pero inutil ang LTO sa pagpapatupad ng bagong batas at gusto na namang ibalik ang dating sistema. Maaring isipin dito ng publiko ay nais na namang kumita. Bago matapos ang termino ng administrasyong ito ay bibigyan pa nang pasanin ang taumbayan.
Kapag pinilit na naman ng LTO ang mandatory drug testing sa pagkuha ng driver’s license, paghihinalaan na naman sila na nais itong pagkakitaan.