PALAGDAIN mo ang isang menor de edad sa isang legal na dokumento kahit saan korte mo dalhin ito, walang legal na halaga ang kasunduang ito.
“Sarili naming bahay hindi kami makapasok. Humingi kami ng tulong sa barangay pero parang panig pa sa kabila,” sabi ni Julia. Halos sampung taon nang nakatira sina Julia Joven sa bahay nila sa Caloocan. Nasa tabing kalsada ito at isang ‘excess lot’. Kwento niya ipinamanata niya sa simbahan na magkaroon na sila ng bahay. Ilang buwan ang nakalipas may lumapit sa kanyang kapitan.
“Inalok niya ako ng lupa at bahay. Halos walong libong piso ang siningil niya nun sa akin,” salaysay ni Julia. Kasalukuyang nagtatrabaho bilang ‘cook’ si Julia. Habang mekaniko naman ang mister. Sa kagustuhan niyang magkabahay kinagat niya ang alok ng kapitan. Naghanap siya ng pera para makapagbayad dito. Tinulungan din umano siya ng kanyang amo para mabuo ang pambayad niya. Maging sa pagpapagawa ng kanyang bahay ay tinulungan siya ng kanyang amo.
“Puro usapan lang yun. Madami naman sa mga tanod ang nakakaalam nun. Wala silang binigay sa akin na kahit na anong dokumentong mapanghahawakan ko,” sabi ni Julia. Nang mabuo ang bahay tumira na sila dito. Taong 2014 nang umuwi ng Pangasinan sina Julia. Ang kanyang anak na labing anim na taong gulang naman ay naiwan sa Caloocan. Bandang Marso 2015 tumawag umano sa kanya ang karelasyon ng kanyang anak na lalaki.
“Pinutol na daw ang ilaw namin. Nagtaka ako bakit kami mapuputulan. Hindi naman ganun kalaki ang konsumo ng anak ko dun. Umeekstra ng kung anu-anong trabaho ang anak ko para mabuhay,” salaysay ni Julia. Agad na lumuwas si Julia at dun niya nalaman na nakatira na pala sa kanilang bahay ang mag-asawang Agnes at Reynaldo Triste. Ayon sa kanyang anak pinaupahan daw ang bahay sa mag-asawa.
“Sabi ng anak ko wala naman silang binabayad na pera sa anak ko. Nung kinausap ko ang anak ko saka lang siya nagtapat,” ayon kay Julia. Kinaibigan umano ng dalawa ang anak, pinainom ng alak at binigyan ng pitong libong piso. Yun na daw kaagad ang sinasabing upa. Sampung buwan na daw na upa yun.
“Nagpasya na akong puntahan yung lugar. Kumatok ako at sinabi kong kukunin ko na
ang bahay namin,” pahayag ni Julia. Sa halip na maibalik sa kanya ang bahay pinagtulungan lang umano siyang bugbugin ng mag-asawa. Hawak-hawak umano siya at kinaladkad ng mga ito. May mga tumulong lang sa kanya kaya’t nakapunta siya sa pinakamalapit na pagamutan upang makapagpasuri.
“Yung likod ko tumama sa isang matigas na bagay. Gagamitin pa daw nila ang pondo. Wala na nga silang ibinibigay na upa sa loob na sampung buwan,” salaysay ni Julia. Nadiskubre na din ni Julia na putol na talaga ang kanilang ilaw. Nagpunta sila sa Meralco at may utang pa umano ang mga itong Php3,200. May utang pa din daw ang mga ito sa tubig. Nakapangalan sa kanya ang kuryente at tubig kaya’t kapag nagkasingilan siya ang hahabulin.
“Nung talagang hindi kami magkasundo saka na ako humingi ng tulong sa barangay,” wika ni Julia. Nagkaroon sila ng kasunduan na magbabayad ng Php4,500 sina Agnes at Reynaldo para sa kuryente at tubig. Hindi daw ito natuloy at sila pa ang pinagbabayad ng labing anim na libong piso. May kasunduan din ipinakita sina Agnes sa pagitan niya at ng anak na menor-de-edad ni Julia. Nakasaad dito na ang pitong libong piso ay magiging pondo nila. Pinapauupahan nito ang kalahati ng bahay sa halagang Php1,200. Sa pangalawang kasunduan naman ay dalawang libong piso na bawat buwan ang upa at buong bahay na ang uupahan ng mag-asawa.
“Sinabihan pa ako ng barangay na kung sa amin talaga ang bahay bakit daw hindi kami makapasok?” pahayag ni Julia. Pinapirma daw ng blangkong katitikan si Julia at sa pangatlong paghaharap nila hindi sumipot ang kanyang mga inirereklamo.
“Menor-de-edad ang anak ko. Pwede ba namang magkaroon ng bisa yan? Wala pa kami dun nang paupahan ito,” sabi ni Julia. Hindi na din daw dun nakatira ang kanyang anak at nangungupahan na lang sa ibang lugar habang namamasukan naman si Julia. Nais malaman ni Julia kung ano ang maaari niyang gawin sa problemang ito.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, may mga papel si Julia na sa kanya nakapangalan ang ‘Billing ng Meralco’ at tubig. Makakapagpatunay lang ito na sila ang naunang tumira sa nasabing bahay.
Ang kasunduang pinirmahan ng kanyang labing anim na taong gulang na anak ay hindi mo maaaring mapanghawakan sapagkat ito’y wala pa sa tamang gulang upang pumirma ng kahit na anong legal na dokumento o kasunduan na walang gabay ng magulang o ng nakatatandang kamag-anak niya. Kung ang taong pinamahan nga kailangan pa ng ‘guardian’ na aprubado ng korte at hintayin na tumuntong sa tamang edad upang mahawakan niya ang kanyang mga pag-aari.
Kapag hindi naman sila nagkaayos sa barangay mabibigyan ng Certificate to File Action (CFA) upang maiakyat ang kasong isinampa ni Julia.
Upang mabawi ang bahay niya maari siyang magsampa ng Ejectment (Illegal Detainer) dahil wala naman pahintulot ng tama ang pagtira nila Agnes at Reynaldo Triste. Ang tungkol naman sa pananakit sa kanya maaari siyang magsampa ng PHYSICAL INJURIES at ilakip ang Medico-Legal-Certificate sa prosecutor’s office ng Caloocan City. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
PARA SA ANUMANG REAKSIYON o may problemang ligal maaari kayong mag- text sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.