KAMAMATAY lang ng isang ina. Napakadakila ng inang ito. Sa edad na 35 ay nabiyuda ito at naiwan sa kanyang kalinga ang pitong anak na pulos nasa elementary at high school pa lang noon. Grade two lang ang natapos niya pero mahusay magpatakbo ng kanilang buhay. Mula sa pagiging pangkaraniwang tindera ng isda, hanggang sa naging supplier na siya ng isda, sa lahat ng tindera sa kanilang bayan.
Ang pitong anak ay nakatapos ng pag-aaral dahil sa husay ng kanilang ina sa pagnenegosyo sa kabila nang kakulangan nito sa pinag-aralan. Nagi-guilty ang mga anak dahil ni minsan ay hindi man lang nila napasalamatan ang kanilang ina. Ayon sa kumare ng kanilang ina, naipagtapat nito na nagtatampo ito sa kanyang mga anak dahil ni minsan ay hindi niya naranasang mapasalamatan ng kanyang mga anak sa mga sakripisyong ginawa niya sa mga ito.
Akala kasi ng mga anak ay sapat na ’yung pagbibigay nila ng pera sa kanilang ina. O bigyan ng anumang luho kagaya ng trip sa abroad, magandang bahay, sasakyan o damit. Akala nila’y nagkakaintindihan na sila ng kanilang ina, na iyon ang kanilang paraan ng pagpapasalamat dito. Hindi pala.
Nakakalungkot isipin na sa pitong magkakapatid ay wala man lang nakaisip magsabi nang personal kahit minsan ng simpleng—“Inay, thanks po.”
No gift to your mother can ever equal her gift to you – life.
Author unknown.