ISA sa mga senyales na papalapit na ang eleksiyon ay ang pagdidilim ng kapaligiran. Hindi dahil makulimlim at may banta ng pag-ulan kundi dahil sa mga nagsabit o naglawit-lawit na mga streamer at tarpaulin ng kandidato sa gitna ng kalye. Halos magdilim na ngayon ang mga kalsada sa Quezon City, Maynila, Caloocan, Pasay at iba pang lungsod sa Metro Manila. Siyam na buwan pa bago ang 2016 presidential elections pero marami nang pulitiko ang nakapostura at ipinakikilala na ang sarili.
Sa Project 6 sa QC at sa Monumento sa Caloocan City, naglawit-lawit ang mga streamer at tarpaulin ng kandidato na may nakasulat na “HAPPY FIESTA”, “HAPPY GRADUATION”. “MALIGAYANG PAGTATAPOS’’ at kung anu-ano pang pagbati mula sa kandidato. Sa ibaba ng pagbati ay nakasulat ang pangalan ng kandidato.
Bukod sa mga nakalawit at nakasabit sa kawad at poste, may mga nakadikit din sa pader at kahit sa mga sanga ng punongkahoy. Isang malinaw na pagpapakilala ng kandidato para matandaan ang kanilang pangalan.
Ang masaklap sa ginagawang pagpapakilala ng mga adelantadong pulitiko, isinasabit nila ang streamer at tarpaulin na may pabigat na bato. Napakadelikado nito sa mga nagdadaang tao at mga sasakyan. Kapag humangin nang malakas at mapatid ang nakataling bato, babagsak sa pedestrians o sasakyan ang bato at malaking disgrasya.
Bukod dito, may mga streamer din na kinakabit sa malapit sa stop light na nakasasagabal sa mga motorista dahil hindi nila makita ang ilaw. Hindi nila makita kung go o stop ang ilaw. Malaking disgrasya ang mangyayari kapag hindi nila nakita ang traffic light.
Walang masama kung magpakilala ang mga pulitiko sa mamamayan pero sana naman hindi yung maglalagay sa kanila sa panganib. Gumawa nang paraan na makikilala sila hindi sa estilong magbibigay ng disgrasya. Kawawa naman ang mamamayan kapag nalagay sa panganib. Mabuti kung tutulungan ng mga adelantadong pulitiko. Ewan!