NAKUHANG makuha ng dalawang lalaki mula sa United Kingdom ang dalawang world records matapos nilang tawirin ang Atlantic Ocean sa pamamagitan lamang ng pagsasagwan.
Nagawang tawirin nina Tom Rainey at Lawrence Walters ang Atlantic Ocean sa pamamagitan ng pagsagwan habang sakay lamang ng isang maliit na bangka. Sinimulan nila ang kanilang paglalakbay sa New York at pagkatapos ay nagsagwan sila ng layong 3,000 nautical miles papunta sa bayan ng Devon sa England.
Hindi naging madali ang kanilang paglalakbay dahil ilang beses nilang sinuong ang napakalalakas na hanging naglayo sa kanila mula sa tamang ruta. Bukod pa rito ang malalaking alon na kanilang sinagupa habang sila ay nagsasagwan papunta sa kanilang destinasyon.
Matapos ang tatlong buwan ng pagsasagwan sa karagatan ay narating nila ang Devon kung saan sila ay sinalubong ng kanilang pamilya at mga kaibigan. Agad binigyan ang dalawa ng paborito nilang bacon sandwich at tsaa dahil gutom na gutom na sila pagdaong nila sa lupa. Tinitipid na kasi nila ang kanilang baong pagkain dahil papaubos na ito nang marating nila ang Devon kaya naman hayok na hayok nilang kinain ang sandwich na ibinigay sa kanila.
Dahil sa kanilang nagawa, nakamit nila ang world record para sa pinakabatang pares na nagawang tawirin ang Atlantic Ocean sa pamamagitan ng pagsasagwan. Bukod dito ay sinasabing sila rin ang isa sa pinakamabilis sa pagsasagwan matapos silang makapagsagwan sa layong 112.5 nautical miles sa loob lamang ng 24 oras sa isang bahagi ng kanilang paglalakbay.