SIGURADONG hindi malilimutan ni Sven Hageimer ang kanyang ika-26 na kaarawan. Sa halip kasi na tumagal ito ng 24 oras lamang ay umabot ng 46 oras ang kanyang birthday.
Nagdiwang si Sven, taga-Leipzig, Germany, ng kanyang kaarawan noong Agosto 4. Nagawa niyang patagalin ito ng 46 oras sa pamamagitan ng paglipad mula Auckland, New Zealand papuntang Brisbane, Australia. Mula Brisbane ay saka naman siya sumakay ng eroplanong papuntang Honolulu, Hawaii.
Dahil sa ginawa niyang paglipad papuntang Hawaii ay nagawa niyang matawid ang International Date Line kaya Agosto 3 sa Hawaii nang lumapag ang kanyang sinasakyang eroplano sa Honolulu. Kaya naman nagawa uli niyang ipagdiwang ang kanyang kaarawan para sa taong ito sa pangalawang pagkakataon nang sumapit ang Agosto 4 sa naturang lugar.
Bukod sa kaarawang tumagal ng 46 na oras ay nagawa rin ni Sven na makuha ang Guinness world record para sa pinakamatagal na kaarawan. Nalamangan niya ang dating may hawak ng record na si Nargis Bhimji ng Karachi, Pakistan na umabot ng higit sa 35 oras ang kaarawan matapos siyang lumipad pa-San Francisco, California mula Pakistan noong 1998.
Bagama’t puro pagkain lang sa eroplano ang kanyang naging handa para sa kanyang kaarawan, naging masaya naman si Sven sa lahat ng kanyang nakamit para sa kanyang ika-26 na birthday. Kaya naman sa susunod na taon ay plano niyang magdiwang na lang ng simple at tahimik para sa kanyang ika-27 kaa-rawan.