NAGSAGAWA ng sariling SONA si Vice President Jejomar Binay noong nakaraang linggo at tinawag niyang True State of the Nation Address (TSONA). Binatikos ni Binay ang “daang matuwid” ni Pres. Noynoy Aquino. Manhid at palpak daw ang administration. Limang taon na raw sa puwesto ay walang nangyari sa buhay ng mga mahihirap. Sinariwa pa niya ang slogan campaign ni P-Noy na “kung walang korap, walang mahirap”. Pero lalo raw naghirap ang mamamayan at lalong dumami ang mga korap sa pamahalaan.
Binatikos niya ang nasisirang Metro Rail Transit (MRT) na kalbaryo ng mga pasahero. Halos araw-araw ay nasisira ang MRT at wala namang solusyon para maisaayos at nagtaas pa ng pamasahe. Binatikos din niya ang kawalan ng trabaho nang maraming Pinoy ganundin ang sinabi ng pamahalaan na wala nang nagtutungo sa abroad para magtrabaho o maging OFW. Pawang paninisi umano ang laman ng SONA ni P-Noy na walang ipinagkaiba sa mga nauna nitong SONA.
Sa panghuli, pinuri ni Binay ang SAF 44. Inisa-isa ang pangalan ng police commandos na pinatay sa Mamasapano, Maguindanao noong nakaraang Enero 25 ng MILF at BIFF. Hindi raw pinasa-lamatan ni P-Noy ang mga bayani at sa halip, inuna pang pasalamatan ang kanyang hairdresser.
Inabot ng isang oras ang TSONA ni Binay. Okey na sana ang kanyang mga sinabi ukol sa administrasyon pero mayroon siyang nalimutan. Wala siyang binanggit tungkol sa Anti-Dynasty Bill. Ano ang stand niya rito? Ano ang masasabi niya? Laban ba siya rito? Kung tunay ang kanyang TSONA, dapat binatikos niya ang angkan-angkan sa pulitika at dapat nang wakasan ang paghahari sa mga bayan o lungsod. Dapat ihayag niya ang saloobin sa Anti-Dynasty Bill para hindi nagtatanong ang taumbayan.