NAGTATAKBO si Sampaguita papasok sa loob subalit dahil sa pagkataranta ay nasabit ang kanyang paa sa pintuan. Nadapa siya. Nang tangkain niyang bumangon ay narito na ang dalawang lalaki at halos ilang dipa na lamang ang layo sa kanya. Pawang naka-bonnet ang dalawang lalaki at naka-jacket. Pero wala siyang makitang may hawak na armas ang mga ito. Baka nakatago ang mga baril. Hindi inilabas dahil naging abala sa pagdistrungka sa pinto.
Pero kahit na nasa panganib ang buhay, buo pa rin ang loob ni Sampaguita at walang takot na nagsisigaw.
“Tulungan n’yo ako! May magnanakaw! May magnanakaw!’’
Hanggang sa maramdaman niya ang paghawak sa kanyang mga paa. Nakaguwantes ang humawak sa kanyang paa. Talagang preparado ang mga magnanakaw dahil nakaguwantes pa.
Ubod lakas na itinadyak ni Sampaguita ang kanang paa na hawak ng magnanakaw. “Um!”
Dahil sa lakas ng pagtadyak niya, nabitawan iyon ng magnanakaw. Sinikap niyang makatayo pero nahawakan naman ang kaliwang paa niya. Hindi na niya maitadyak dahil parang nawalan iyon ng lakas.
“Bitiwan mo ako!’’
Pero lalo lamang hinigpitan ang paghawak sa kanyang paa. At ang matindi hinihila siya palabas.
“Tulungan n’yo ako! Tulonngggg! Eeeeeeee!’’
Makaraan iyon, isang malakas na tinig ang nangibabaw: “Bitiwan n’yo siya!’’
Parang pamilyar sa kanya ang boses na iyon.
Nang ayaw pa rin siyang bitiwan ng isa sa mga magnanakaw doon na nagsimula ang umaatikabong labanan.
Mabilis na hinarap nang sumaklolong lalaki ang dalawang magnanakaw. Sanay sa martial arts ang lalaki. Walang nagawa ang mga magnanakaw. Nahubaran ng bonnet ang mga ito dahil sa lakas ng sipa at suntok ng lalaki. Mahusay na mahusay ang lalaki.
Pagkaraan, biglang nagtakbuhan ang mga lalaki. Hinabol pa ni Levi pero nawala na sa dilim ang dalawa.
Nang magbalik ang lalaking humabol, nakita ni Sam kung sino ito. Walang iba kundi si Levi! Hindi siya makapaniwala. Iniligtas siya ni Levi.
(Itutuloy)