Sampaguita (123)
NAKIRAMDAM pa si Sampaguita. Hindi muna siya bumangon at pinakinggan ang kakatwang ingay sa ibaba ng bahay.
KLIK! KLIK!
Seradura iyon ng pinto na pinipihit-pihit. Pilit binubuksan. Hindi pa rin siya bumangon. Baka naman malakas lamang ang hangin at may kung anong nilipad sa may pintuan. Pero patuloy ang kanyang narinig na tila pagbubukas ng pinto. At sa kanyang tantiya, ang pinto sa may swimming pool ang tila binubuksan. Doon nanggagaling ang KLIK! KLIK!
Bumangon na si Sampaguita. Kahit natatakot kailangang lakasan niya ang loob. Baka mga magnanakaw ang nasa ibaba.
Dahan-dahan siyang lumabas sa kuwarto. Kailangang makita niya kung ano ang nangyayari sa ibaba. Malakas ang kutob niya na may nagbubukas ng pinto sa tagiliran na nasa dakong swimming pool.
Nakababa siya. Dahan-dahan ang paglalakad sa salas. Nawala ang narinig niyang KLIK. Tumigil siya para makiramdam. Nawalang bigla. Naramdaman kaya ang pagbangon niya? O baka naman nabuksan na ang pinto kaya nawala ang ingay na narinig niya.
Ipinagpatuloy niya ang paglalakad. Hanggang sa makarating sa may bahagi ng pinto patungo sa swimming pool.
Hanggang makarinig muli siya ng KLIK! KLIK! At nang pagmasdan niya ang seradura ng pinto ay gumagalaw iyon. Pinipihit nga! Mga magnanakaw nga ang nasa labas at pilit dinidistrungka ang seradura.
Hanggang sa maisip ni Sam na mayroon pang isang pinto para marating ang swimming pool. Doon siya magdadaan para makita ang mga taong nagbubukas sa seradura.
Marahan siyang nagtungo sa sekretong pinto o emergency exit. At nang makalabas doon, huling-huli niya ang dalawang tao na pilit dinidistrungka ang pinto. Pawang naka-jacket ng itim at naka-bonnet ang dalawa.
“Magnanakaw! Magnanakaw!” Sigaw ni Sampaguita. Ang kanyang sigaw ay umalingawngaw na ikinagulat ng dalawang magnanakaw.
Nakita siya ng mga magnanakaw at siya ang binalingan para habulin.
“Eeeeeeeee! Tulungan n’yo ako! May magnanakaw! Eeeeeeee!”
Nagtatakbo siya pabalik sa nilabasang pinto. Pero dahil madilim, nahirapan siyang hanapin iyon. Nataranta na siya. Takot ang namayani sa kanya.
Ganunman, patuloy siya sa paghingi ng saklolo.
“Tulungan n’yo ako! Tulungan n’yo ako!’’
(Itutuloy)
- Latest