TINAGURIANG “world’s longest seesaw” ang seesaw na ginawa ng 30-anyos na si Liu Haibin ng China. Dahil sa pambihirang seesaw, nagagawa niyang makipaglaro sa kanyang anak na 8-buwang sanggol kahit malayo dahil sa kanyang trabaho
Sa kabila ng bansag na “world’s longest seesaw”, hindi naman talaga ito umaabot ng higit sa 1,000 kilometro mula sa Tengzhou City kung nasaan ang asawa’t anak ni Liu hanggang sa Xiamen City kung saan siya nagtratrabaho.
Sa halip, binubuo ang imbensyon ni Liu ng dalawang magkatulad na seesaw na may motion sensor kaya gumagalaw ito ng kusa sakaling sabay silang nakaupo ng kanyang anak sa dalawang magkabilang dulo nito. May camera rin ang dalawang seesaw kaya nagkakakitaan sila ng kanyang anak habang pareho silang nakaupo sa mga ito.
Naisip ni Liu ang paggawa ng kakaibang seesaw na ito dahil sa mga karanasan niya noong siya ay bata pa. Paborito kasi nila ng kanyang ama ang paglalaro sa seesaw kaya naman gusto rin niyang maranasan ito ng kanyang anak kahit pa ito ay malayo sa kanya.
Plano ni Liu na gamitin ang seesaw upang libangin ang kanyang anak sa loob ng tatlong buwan at pagkatapos noon ay uuwi na siya sa Tengzhou upang makapiling ang kanyang pamilya. Tatlong beses pa lang niyang nakakapiling ang anak simula nang ito ay ipanganak.