KUNG kayo ay laging nag-aangkas ng bata sa motorsiklo at walang habas kung magpatakbo, mag-isip-isip na sapagkat nalagdaan na ang Republic Act 10666 o ang Children’s Safety on Motorcycles Act of 2015. Sa ilalim ng batas, ang sinumang mahuhuli na may angkas na bata ay pagmumultahin ng P3,000 sa unang paglabag; P5,000 sa ikalawa at P10,000 sa ikatlo. Sususpendihin ang lisensiya ng driver sa loob ng isang buwan. Ang may akda ng batas ay si Sen. Tito Sotto. Sabi ni Sotto, ang mga batang angkas sa motorsiklo ang laging nakaharap sa panganib. Sila ang unang tumatalsik at namamatay kapag naaksidente ang motorsiklo. Wala silang magawa sapagkat hindi sila ganap na makakapit sa drayber kapag nabangga o binangga ang motorsiklo. Kaawa-awa ang kanilang kalagayan kapag bumagsak o humampas ang ulo at katawan sa sandaling maaksidente.
Sa report ng Highway Patrol Group (HPG) tumataas ang bilang ng mga naaaksidente dahil sa motorsiklo. Halos araw-araw ay may naaaksidente at karamihan sa mga biktima ay namamatay. Ayon pa sa report, karamihan sa mga naaksidente ay nakainom ng alak. Kaya ang payo ng mga awtoridad, kapag nakainom ng alak, huwag nang magmotorsiklo sapagkat malapit sa aksidente. Kung hindi bumangga sa nasa unahang sasakyan, maaaring banggain ng nasa likurang sasakyan.
Ngayong isa nang batas ang RA 10666, inaasahang ipatutupad ito nang mahigpit. Hindi dapat mag-ningas-kugon sa pagpapatupad nito sapagkat ang kaligtasan ng mga bata ang nakasalalay. Sa kasalukuyan, karaniwan na lamang na makikita ang mga bata na nakaangkas sa motorsiklo. At ang nakapangingilabot, mayroon pang sanggol na hawak nang nakaangkas habang mabilis na pinatatakbo at lumalampas sa mga malalaking sasakyan. Ipatupad ito para sa kapakanan ng mga walang kamuwang-muwang na bata.