Sa tren mahabang pila at aberya; Sa bus, matinding trapik sa EDSA

MAY 40 bus ang nasumpungan kahapon na nakapila sa kahabaan ng EDSA partikular sa ilalim ng MRT station sa North Avenue at Quezon Avenue.

Ang mga bus na ito ay bahagi ng bus project ng LTFRB at ng DOTC na masolusyunan ang mahabang pila ng mga pasahero sa MRT.

Sa ilalim ng programa, pwedeng alternatibo itong sakyan ng mga pasahero sa MRT, dalawa lamang ang hihintuan ng mga bus na ito ang Ortigas at Ayala stations kaya medyo magiging madali rin ang biyahe ng mga mananakay ng tren.

Ang pamasahe kagaya rin ng pasahe o bayad nila sa MRT.

Ang siste, mukhang hindi ito kinakagat ng mga loyal na pasahero ng MRT.

Ayon nga sa marami, magtitiyaga naman umano silang pumila kahit mahaba dahil pagsakay nila mas madali pa rin silang makakarating sa kanilang pupuntahan puwera na nga lang kung nagkaaberya ang tren.

Pumayag umano ang mga bus company na mababa ang sisingilin nilang pasahe dahil dagdag kita naman daw ito lalo na nga’t coding naman ang bus na gagamitin.

Ibig sabihin pinayagan ng LTFRB na makabiyahe ang mga bus kahit pa sila coding.

Kaya naman pala, patindi nang patindi ang trapik sa EDSA. Hindi nababawasan ang sasakyan, lalo pang nadadagdagan.

Imbes na lumuwag ang EDSA, aba’y hindi biro ang 40 na bus na kontodo pila sa mga nabanggit na lugar na rito na nagsisimulang mag-build up ang matinding trapik.

Nakadagdag pa sa masikip nang daloy ng trapiko ang mga bus na ito, sangkaterbang bus na nga ang panay ang takbo sa EDSA kahit walang sakay, dumagdag pa ang mga ito. Kahit pa sabihin na panay ang aberya sa MRT, ito pa rin ang siyang gustong sakyan ng marami.

Eh bakit nga kasi hindi pag-ibayuhin ng pamahalaan ay ang pagkakaroon ng maaayos at ligtas na mass transport system. Iisa ang idadahilan ng mga pasahero kung bakit ito ang gusto nila, walang trapik.

Kung maisasayos naman ang trapik sa mga lansangan, baka magdalawang-isip ang mga mananakay na gumamit na ng ibang alternatibong transportasyon sa kanilang mga paglalakbay.

Show comments