Sampaguita (112)
“ANO ‘yun?’’ Tanong ni Sam na nakadama ng takot. “Parang sumabog na bote.”’
“Titingnan ko. Huwag ka munang lalabas, Sam. Baka may nagtatangka sa aking buhay!” Sabi ni Levi at may binunot sa likod. Baril! May baril pala ang hayup.
Mabilis na lumabas si Levi.
Hindi sinunod ni Sam ang sinabi ni Levi. Sumunod siya rito. Pagkakataon na para makalabas. Kani-na, masama na ang naiisip niya. Mukhang may balak si Levi sa kanya at hindi nga lang natuloy dahil may sumambulat sa labas.
Nang makalabas, nakita niya si Levi na nakatingin sa dalawang basag na bote na nagkalat sa bakuran. Nangangamoy kerosene. May mitsa ang dalawang bote. Parang Molotov bomb ang mga ‘yun.
“Putsa sino kaya ang naghagis nito? Gusto akong patayin!’’
Hindi nagsalita si Sam. Pero may hinala na siya kung sino ang naghagis ng dalawang Molotov bomb.
‘‘O bakit ka lumabas, Sam? Delikado. Bumalik ka uli sa loob at baka may kasunod pa ang dalawang Molotov. Pero bago nila ako mapatay ay sila muna ang uunahin ko. Hindi nila ako kilala! Hindi ako umuurong sa laban. Patay kung patay!
“Magbalik ka na sa loob Sam at titingnan ko sa labas kung sino ang mga nagtangka sa akin.’’
Pero sa halip na pumasok sa loob ay nanatili si Sam na nakatayo at inoobserbahan ang mga ikinikilos ni Levi. Kapag binuksan ni Levi ang gate ay sasamantalahin niya ang pagkakataon. Lalabas siya!
Nang mabuksan ni Levi ang gate, humanda ito at hawak ang baril na lumabas at tiningnan ang paligid. Wala naman siyang nakita.
Si Sam naman ay mabilis na lumabas. Nagulat si Levi sa paglabas ni Sam.
‘‘Sam hindi ka dapat lumabas. Delikado. May nagtatangka sa akin.’’
“Gusto kung tulungan ka, Levi.”
“Kaya ko na ito, Sam. Magbalik ka na sa loob!’’
‘‘Hindi Levi. Mas gusto ko rito sa labas kaysa loob.’’
“Ikaw ang bahala, Sam.”
Hawak ang baril muling siniyasat ni Levi ang Molotov bombs.
“May nagtatangka talaga sa akin. Uunahan ko naman sila. Hindi ko hahayaang may mangyari sa akin. Babarilin ko sila.’’
Pero wala nang kasunod na paghahagis ng Molotov.
“Sino sa palagay mo ang nagtatangka sa’yo, Levi ?’’
‘‘Mga kaagaw ko sa negosyo. Hindi nila matanggap na mas marami akong negosyo.’’
“Liban dun wala na?’’
“Wala na.”
“Ýung mga nakarelasyon mong babae, Levi.’’
‘‘Wala. Wala naman akong inagrabyado para singilin nila. Ako pa nga ang niloko. Ako pa ang sinaktan!’’
Naisip ni Sam na sobra ang kawalanghiyaan ni Levi. Talagang binabaliktad ang mga nangyari.
Hanggang magpasya si Sam na umalis na. Nagpaalam siya kay Levi.
“Aalis na akoi Levi, baka naghihintay na ang mga kasama ko sa bahay.’’
“Hintay, Sam! Hintayin mo ako!”
Pero mabilis na umalis si Sam. Pagkakataon na ‘yun. Salamat at may naghagis ng Molotov bomb kung hindi baka may nangyari sa kanya.
(Itutuloy)
- Latest