Pinakamalaki at mabahong bulaklak sa mundo, namulaklak sa Tokyo
ISANG dambuhalang bulaklak na sinasabing pinakamalaki sa buong mundo ang namulaklak muli matapos ang limang taon sa isang parke sa Tokyo. Ito rin ang itinuturing na pinakamabahong bulaklak.
Ang bulaklak, na isang titan arum, ay may taas na anim at kalahating talampakan. Minsan lang kung ito ay mamukadkad, kaya naman dinayo ito ng mga tao nang mapabalita ang pamumulaklak nito. Mahirap din itong alagaan kaya madalang lang ang mga katulad nitong bulaklak.
Nasa Jindai botanical gardens sa siyudad ng Chofu ang bulaklak at sa dami ng bumibisita rito, napilitan na ang namamahala sa parke na habaan ang oras ng pagtanggap nila ng mga bisita. Tumatagal lang kasi ng isa hanggang dalawang araw ang pamumulaklak ng mga titan arum kaya nag-uunahan ang mga taong makita ang bulaklak habang ito ay nakabukadkad.
Ang titan arum ay tinatawag ding corpse flower dahil sa napakabahong aroma nito na maihahalintulad sa amoy ng nabubulok na bangkay. Kaya naman sa halip na mga paruparo at mga bubuyog ay pawang mga langaw at salagubang ang nahahalinang dumapo sa mga titan arum na bulaklak.
Sa Indonesia nagmula ang mga titan arum ngunit sa kasalakuyuan ay malapit nang mawala ang lahi nito dahil sa malawakang deforestation na winawasak ang mga kagubatan kung saan karaniwang tumutubo ang pinakamalala-king bulaklak sa buong mundo.
- Latest