Amanda

PANGARAP ni Laurie na makapagtrabaho sa abroad. Kaya nang magsimulang mauso ang pagre-recruit ng caregivers sa Canada noong 1998 ay naisipan niyang mag-enrol ng kursong nabanggit sa isang agency na siya rin recruiter ng mga caregivers papuntang Canada.

Natapos ang anim na buwan at siya’y naging certified caregiver. Pero hindi pala ganoon kabilis makakuha ng employer sa Canada kagaya ng kanyang inaasahan. Habang naghihintay ng opportunity sa Canada ay may nag-alok sa kanya na mag-part time caregiver sa isang babaeng mayaman na may cerebral aneurysm. Tinanggap agad niya ang offer dahil malaki rin ang suweldo.

Bata pa ang pasyente na napag-alaman niyang ang pangalan ay Amanda. Mga 40 years old ito at isang manager sa accounting firm bago magkaroon ng cerebral aneurysm. Pumutok ang blood vessels ng kanyang utak kaya wala itong naiintindihan sa mga nangyayari sa kanyang paligid. Parang buhay na patay. Nakamulat ang mata pero nakatitig lang sa kawalan.

Apat na oras lang nag-aalaga si Laurie sa pasyente na nakatira sa malaking mansiyon sa San Juan. Upang hindi mainip sa pagbabantay ay lagi niyang kinakausap si Amanda kahit alam niyang hindi naman siya nito maiintindihan. Ikinukuwento niya rito ang kanyang mga pangarap o kaya ay mga hinanakit niya sa buhay. Minsan ay hinihimas-himas pa niya ang buhok nito at kinakantahan.

Minsan habang kinakantahan niya si Amanda ay biglang gumalaw ang mata nito sa kauna-unahang pagkakataon, tumingin sa kanyang direksiyon. Natuwa ang pamilya sa nangyari. Pero makalipas ang ilang araw ay nalagutan ng hininga ang minamahal niyang pasyente. Matapos niyang hagkan si Amanda bago ipasok sa morgue ay umiyak siya nang umiyak. Posible palang tubuan ka ng pagmamahal at pagmamalasakit sa isang taong hindi mo kaano-ano. Ito ang leksiyong bitbit niya hanggang sa makarating siya sa Canada. Bunga nito, napapamahal siya lagi sa mga nagiging amo niya.

 

 

 

                                                                                                                                

Show comments