Lalaki sa New Zealand, nagtayo ng simbahang gawa sa mga buhay na punongkahoy

MATAGAL nang pangarap ni Barry Cox ang makapagtayo ng isang simbahan sa kanyang malawak na lote sa New Zealand. Nagsimula ito nang makita niya ang mga lumang simbahan sa Europe noong naglibot siya sa iba’t ibang bansa sa nasabing kontinente.

Naisipan niyang gumamit ng mga buhay na punongkahoy at halaman dahil mahirap maghanap at mag-angkat ng mga malalaking bato na katulad ng ginamit sa mga sinaunang simbahan sa Europa. Ito ang dahilan kung kaya napagpasyahan magpatubo ng mga puno at halaman na bubuo sa simbahang kanyang itatayo. Napili niyang gumamit ng mga buhay na puno at halaman upang maging kakaiba mula sa lahat nang simbahang kanyang nakita ang kanyang itatayong simbahan.

Ang mga dahon at sanga ng punong Cut Leaf Adler ang nagsisilbing pinaka-kisame ng simbahan samantalang ang mga punong kung tawagin ay Copper Sheen na mula sa Australia ang nagsilbing pader dahil sa pagiging makapal ng mga ito. Gumamit naman siya ng mga punong Alnus Imperialis para maging bubong dahil maaring baluktutin ang mga sanga nito upang mabuo ang patatsulok na hugis ng simbahan.

Inabot ng apat na taon ang pagpapatubo ni Barry sa mga puno at lubhang nakatulong sa kanyang pagtatayo ng kanyang simbahan ang kanyang kaalaman mula sa kanyang trabaho na naglilipat ng mga malalaking puno papunta sa iba’t ibang lugar  nang hindi namamatay ang mga ito.

Hindi naman inaasahan ni Barry na dadayuhin ng mga tao ang itinayo niyang simbahan ngunit naging kilala ang kanyang itinayong simbahan lalo na sa mga nagpaplanong magpakasal kaya binubuksan na niya ito sa publiko.

Show comments