SI Wang Weibu ang isa sa mangilan-ngilang barbero sa China na nanggugupit pa rin ng buhok gamit ang estilo na kung tawagin ay Dahoujia.
Kakaiba ang estilong ito dahil sa halip na gunting, isang umuusok na malaking sipit o tong ang gamit ni Wang upang putulin ang buhok ng kanyang ginugupitan.
Sinisimulan ng 72-anyos na si Wang ang kanyang paggupit ng buhok sa pamamagitan ng pagpapainit sa tong. Kapag umuusok na ito sa init ay ilulublob niya sandali sa tubig upang mabawasan ng kaunti ang temperature nito. Pagkatapos ay saka niya gagamitin para putulin ang buhok ng kanyang customer. Pagkatapos gamitin bilang panggupit, idadampi niya ang mainit na tong sa natitirang buhok.
Ngayon ay mas kakaunti na ang nagpapagupit kay Wang ngunit may mga suki pa rin siyang customers dahil sa kakaibang epekto sa buhok nang mainit na sipit na ginagamit.
Bahagyang nakukulot ang buhok ng customers kaya gustong-gusto ito ng mga Chinese na mahilig magpakulot ng buhok. Ito ang dahilan kung bakit walang balak si Wang na iwanan ang pagiging barbero at ang kakaibang estilo ng pagputol ng buhok na tinatawag na Dahoujia.