SA likod ng bawat isang matagumpay na anak ay isang mapagmahal, responsable at parating nakasuportang mga magulang.
Karaniwan sa pamilyang Pilipino, ang ama ang kumakayod para humanap ng pera habang sa ina naka-atang ang paggabay, pagbabantay at tingnan ang pangangailangan ng kanilang mga anak. Si Amy Ng, 40-taong gulang ay may tatlong anak at asawang Overseas Filipino Worker (OFW) – seaman. Dahil nasa malayo ang asawa, siya ang nag-iisang nag-alaga at nagpalaki sa kanyang mga anak. Oo nga’t mahirap para sa isang ina ang magpalaki ng anak nang nag-iisa, pero para kay Amy, bawi naman ang lahat nang ito sa oras na makita mo ang iyong anak na umakyat sa entablado dahil nakatapos na ito sa kanilang pag-aaral. Ang kanyang panganay na si Adriane ay nakatapos ng kursong Development Communication sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) sa Los Baños at kasalukuyang coordinator ng Southern Tagalog sa ilalim ng Bayan Muna.
Ayon kay Amy, alam niyang hindi gaanong masaya ang anak sa natapos na kurso dahil ang gusto talaga nito ay maging piloto.
Kumuha na si Adriane ng exam noon sa Airlink at alam niyang nakapasa ang anak. Pero dahil nagkaproblema sila sa trabaho ng kanyang asawa, pinakuha niya muna ito ng ibang kurso, hindi kasi nila kayang tustusan ang matrikula nito. “Masakit sa kalooban na hindi mo maibigay ang gusto ng iyong anak,” ani Amy.
Taliwas naman ito sa nangyari kay Angelica, pangalawa niyang anak. Natapos nito ang kursong – Psychology sa Manila Doctors at kasalukuyang nagtatrabaho sa isang Information Technology (I.T.) Company bilang Human Resource Staff. Ang bunso naman na si Arielle, 20 taong gulang ay magtatapos ngayong Marso ng kursong Hotel and Restaurant Management sa La Salle Dasmariñas, Cavite.
Aminado si Arielle na talagang magastos ang kanyang kursong napili dahil sa mga tour, seminar at event na kailangan niyang daluhan na bahagi ng kanilang ‘curriculum’. Kaya malaki ang pasasalamat nito sa mga magulang dahil sinuportahan siya nito hanggang sa huli. Kwento ni Amy, dati silang may property sa Camella, Springville, labing anim na taon din silang tumira doon. Pero binenta nila ito dahil pakiramdam niya ay hindi sila umaasenso. Kaya nagdesisyon silang umupa na lang ng bahay sa Pasay na mas malapit ito sa pinapasukan ng kanilang mga anak.
Pitong taon silang nangupahan doon, hanggang sa nakatapos si Angelica sa kolehiyo at si Arielle naman ng High School.
“Maayos ang buhay namin nung nasa Pasay kami, pero ayaw naman ng mister ko na habambuhay kaming mangupahan kaya nagdesisyon kami na bumili ng bago kung saan maganda at ligtas ang lugar para sa aming pamilya,” wika niya.
Naghanap, nagtanong at nagsaliksik si Amy kung saan magandang magtayo ng bahay hanggang sa napag-alaman niya ang tungkol sa Bellefort Estates na proyekto ng Property Company of Friends, Inc. (PRO-FRIENDS) sa Bacoor, Cavite. Sa kasalukuyan, tatlong taon na silang naninirahan doon. Si Arielle ay araw-araw na hinahatid ng ina sa eskwelahan pagpasok. Minsan sinusundo pero mas madalas na namamasahe na lang ito pauwi.
Hindi rin ito nahirapan sa bagong kapaligiran dahil tahimik ito at nakakapag-aral siya nang maayos. Bukod dito, marami ring mga Lasalista sa kanilang lugar kaya madali para sa kanya ang mag-adjust. Sa pagtatapos ng kanyang bunso, hindi inoobliga ni Amy na agad itong makatulong sa kanila sa pinansiyal na aspeto. Ang gusto niya ay makahanap agad ng trabaho at magamit niya ang kanyang pinag-aralan.
“Nagpapasalamat ako sa asawa ko kasi kahit malayo siya hindi siya nagkulang sa amin ng mga anak niya. Hindi ko rin naman ito kakayanin kung hindi rin dahil sa aking mga anak na naging mabait, masipag at matiyaga. Hindi nila kami binigo ng kanilang ama,” pagbabahagi ni Amy.
May mensahe naman ang anak na si Arielle sa kanyang mga magulang.
“Salamat po! Alam kong ako ang pinakamagastos dahil sa kurso ko. Kaya pagka graduate ko, maghahanap kaagad ako ng magandang trabaho at babawi po ako na inyo,” ani Arielle.
Masarap sa pakiramdam ng isang ina na unti-unting nakakamit ng mga anak ang kanilang pangarap. Hindi porke napagtapos na sa pag-aaral eh doon na rin matatapos ang kanilang pagiging ina.
“Kahit malaki na ang aking mga anak, hindi ko pa rin sila pababayaan, aalalayan ko pa rin sila at bibigyan ng oras. Sa ganitong panahon nila mas kailangan ng gabay ng magulang dahil sasabak na sila sa mas magulo, mabilis at mapanghamon na buhay sa labas ng eskwelahan,” pagtatapos ni Amy. (KINALAP NI I-GIE MALIXI) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor City State Centre Bldg. Shaw Blvd., Pasig. O mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landline 6387285 / 7104038.