EDITORYAL - Pangil ng Ombudsman isakmal pa sa mga corrupt
MULA nang maupo si President Noynoy Aquino noong 2010, naging bukambibig na ang kanyang “tuwid na daan”. Sabi niya bilang lingkod bayan, ang interes nang nakararami ang lagi niyang poproteksiyunan. Lagi siyang magiging tapat sa sinumpaang tungkulin. Sa pamamagitan nga ng mga ito matatalunton ang “tuwid na daan”.
Pero paano matatalunton ang “tuwid na daan” kung marami pa ring gumagawa ng katiwalian sa mga tanggapan ng pamahalaan. Paano makikita ang “tuwid na daan” kung patuloy ang pagsasamantala ng mga gutom na buwaya.
Nang italaga ni P-Noy si Ombudsman Conchita Carpio-Morales noong 2011, maraming umasa na mapuputol na ang mga katiwalian sa mga sangay ng pamahalaan. Lahat ay babagsakan ng tabak. Mara-ming mapaparusahan at mabubulok sa bilangguan dahil sa paglustay sa pera ng taumbayan.
Pero hindi pa rin ganap ang pinakikita ng Ombudsman. May pangil nga pero hindi ganap na makasakmal. Marahan ang kagat at walang kamandag.
Ganun pa man, nakatutuwa na ring malaman na marami nang naisampang kaso ang Office of the Ombudsman. Noong nakaraang taon, umabot sa 2,053 kaso ng katiwalian ang isinampa sa Ombudsman. At nangunguna sa mga kasong may katiwalian ay ang local government units (LGUs) at pumapangalawa ang Philippine National Police (PNP). Ang LGUs ay may nakasampang kaso na umaabot sa 2,014 samantalang ang PNP ay may 1,312 na kaso. Noong 2013, ang LGUs din at PNP ang nasa parehong puwesto. Kasama sa top ten corrupt ang Local Water Utilities Administration, DOTC, DPWH, AFP, DepEd, DENR, Customs at DAR.
Masisiyahan ang taumbayan kung mapaparusahan ang mga gumagawa ng katiwalian. Paigtingin ng Ombudsman ang paglipol sa mga corrupt. Nararapat maibalik ang tiwala ng mamamayan sa pamamagitan ng paglinis sa mga kurakot sa pamahalaan. Mawawalan ng saysay ang “tuwid na daan” kung hindi mapaparusahan ang mga kawatan.
- Latest