Burns: banli, paso, lapnos
NOONG bata pa ako, naranasan ko ring mabanlian ng kakukulong tubig. Naghahanda ng kape ang pinsan ko para sa lola ko nang aksidenteng natabig niya ang tasa. Hayun, tumapon ang laman nito sa aking dakong tiyan at nalapnos ang balat. Sobrang hapdi ang naramdaman ko. Mabuti na lamang at paglipas ng panahon, nabura na rin ang puting marka na naiwan ng naturang pangyayari.
Madalas mangyari ang burns. At karamihan sa kaso nito ay makikita sa mga batang apat na taon pababa. Ang burns ay puwedeng sanhi ng apoy, kemikal, maiinit na bagay, pinakulong tubig, kuryente, o matinding init ng araw. Depende sa laki at tindi ng burns ang gamutan. Yung maliliit at mabababaw lamang na burns ang dapat gamutin sa bahay. Yung matitinding burns ay dapat sa ospital gawin dahil nandiyan ang panganib ng impeksyon (remember, natanggal ang balat na proteksyon ng ating katawan kaya madaling makapasok ang mikrobyo) at shock (pagbagsak ng blood pressure at kawalan ng pulso).
May tatlong uri ng burns:
- Superficial Burns (dating tinatawag na First-Degree Burn). Ito ang pinakasimpleng kaso ng burns kung saan ang apektado lamang ay ang top skin layer o mas kilala bilang epidermis. Nagdudulot ito ng matinding pamumula at pangingirot gaya ng “sunburn” dulot ng pagkabilad sa matinding sikat ng araw. Hindi ba’t kapag may sunburn ka ay sadyang kay init ng pakiramdam (parang nilalagnat) at masakit? Dito, wala ng kailangang gamutan kundi ang pag-inom ng pain reliever (hal. paracetamol) kung sadyang makirot.
- Partial-Thickness Burns (dating Second-Degree Burn). Dito, ang na-damange ay di lamang ang top skin layer (epidermis) kundi pati ang second layer (kung tawagin ay dermis). Namamaga ang area sa paligid ng burns at nagsisimulang magtubig ang paso. Mistulang nagpaltos ang hitsura ng balat dahil sa tubig na namuo sa loob ng burns. Masakit din ito. Pero ang maganda rito, hindi ito nauuwi sa impeksyon at pagpepeklat. Kakailanganing dalhin ang bata sa doktor para mabigyan ng wastong lunas lalo na kung malaki ang area na nagkaroon ng burns, o kaya’y apektado ang mukha at mga kamay.
- Full-Thickness Burns (dating Third-Degree Burns). Ito ang pinakamatindi sa tatlo kung kaya’t nangangailangan itong magamot agad. Dito ay nasira na ang lahat ng layers ng balat at puwede pang tinamaan nito ang mas malalalim pang tissues. Kung titingnan ang nalikhang damage sa balat, mapapansing maitim o maabo na ang hitsura nito. Puwedeng na-damange nito ang layer ng taba, muscles, buto, pati na ang mga nerves. Dahil sa pagkasunog ng mga nerves, walang mararamdamang sakit/kirot ang pasyente hanggang sa magsimula nang gumaling ang sugat. (Itutuloy)
* * *
Pagbati kay Nathaniel F. Nollen na nagtapos bilang valedictorian sa MCA Montessori School, Fort Bonifacio, Taguig City. Siya ang panganay na anak nina Mr. And Mrs. Edward and Angela Nollen ng Taguig City. Nakatakda siyang pumasok bilang BS Mathematics student sa University of the Philippines-Diliman matapos pumasa sa UPCAT kamakailan. Greetings from his uncle Richard Nollen of Atimonan, Quezon.
- Latest