ANG halaman talbusan mo, at sa pagdaan ng panahon mas lalo itong yayabong.
“Ang tagal nilang ginamit ang lupa ko pero hindi nila ako binabayaran. Wala akong napala sa kanila,” ayon kay Romualda.
Sa Maynila naninirahan ang pamilya ni Romualda dela Torre, 54 na taong gulang ngunit nakabili sila ng lupa sa lugar ng kanyang asawa sa Dinalungan, Aurora nung 1991.
Nahahati ito sa dalawang titulo. Ang isa ay nakapangalan sa kanila ng mister at isa naman ay sa kanyang bunsong anak.
Kalaunan tinaniman nila ito ng mga niyog upang may mapagkakitaan.
“Masukal na gubat pa yun dati. Ngayon dun kami kumukuha ng dagdag kita namin para sa mga anak ko. May tagabantay ako dun na siyang kahati ko sa kita,” kwento ni Romualda.
Isang beses lamang sa isang taon nakakadalaw sa Aurora si Romualda. Taong 2010 nabalitaan niya na lang na may bahagi ng kanyang lupain ang nakasemento.
Kariton at tao lamang daw ang dumadaan noon ngunit ngayon ay naging kalsada na ito.
Biglang napauwi si Romualda dahil dito. Tinanong niya ang kanyang care taker kung bakit hindi ito agad ipinaalam sa kanya. Nang walang maisagot ay pinaalis niya ito at humanap siya sa iba.
“Nagtanong ako pati sa Mayor. Hindi nila masagot kung sino ang nag-utos na gawin itong kalsada,” wika ni Romualda.
Natigil lamang ang pag-aasikaso ni Romualda dito nang atakihin siya nung taong 2011. Nang gumaling kinompleto niya ang lahat ng dokumento at dinala niya sa Aurora. Nagulat daw ang Mayor dahil may mga papeles siya.
Hindi daw kasi sila inabisuhan. Walang makasagot sa kanya kung bakit wala siyang natanggap na sulat o kahit na anong anunsyo.
Lumapit na siya sa isang programa sa telebisyon at ini-refer siya sa Public Attorney’s Office (PAO) sa Baler.
Sinulatan nito si OIC District Engineer Elmer Dabbay ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
“Maraming pinapuntahan sa ‘kin pero napakatagal nilang sumagot. Lahat naman ng dokumentong kailangan ipinasa ko na. Nagpabalik-balik ako pero walang pinatunguhan,” ayon kay Romualda.
May nagpunta daw doon na magsusukat at sinukat na ang kanilang lupang nasagasaan ng paggawa ng kalsada. Pinagpasa naman siya ng mga dokumento sa DPWH Pampanga.
Humingi daw ang mga ito ng sulat kung magkano niya ibebenta ang kanyang lupa (offer to sell). Php2,500 ang presyong ibinigay niya.
Habang naghihintay ng magiging sagot hindi na alam ni Romualda kung ano ang kailangan niyang gawin kaya nagpasya siyang magtungo sa aming tanggapan.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Romualda.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang lupang pag-aari ng isang pribadong tao ay hindi maaring basta kunin at gamitin ng gobyerno para sa publiko. May naipakitang papeles si Romualda at ito’y kanyang pag-aari.
Para matulungan siya ini-refer namin siya sa Department of Justice Action Center (DOJAC) kay Director Perla Duque upang siya’y magabayan. Agad namang sumulat si Dir. Duque ang ‘Assessor’s Office’ upang ilapit ang problema ni Romualda.
Agad namang inihatid ni Romualda ang dokumentong hiningi sa kanya at ang offer to sell. Noong Pebrero, 27, 2015 may natanggap siyang sulat na nagsasabing ang ibabayad lamang sa kanya ay Php25.00 per sqm. Ito daw umano ang market value ng sa kanilang lugar. Ang kabuuang halaga nito ay Php63,700.
IKINAGULAT ito ni Romualda subalit yun lang daw talaga ang ‘zonal value’ sa lugar na yun.
Kung sa akala niya nabarat siya sa lupang kinain ng gobyerno, maari din naman niyang isipin na tumaas ang halaga ng kanyang lupa sa magkabilang banda dahil katabi ng sementadong kalsada.
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor City State Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.