NANG magsalita sa graduation rites ng PMA’s Sinag Lahi Class of 2015 si President Noynoy Aquino noong Linggo, wala siyang binanggit ukol sa Mamasapano incident at sa halip sinabi niya sa mga bagong graduate na ituloy ng mga ito ang magandang nasimulan ng mga nauna sa kanila. Hamon ng Presidente sa mga nagtapos na pangatawanan ang kanilang hangarin sa paglilingkod at higitan ang narating ng mga nauna sa kanila. Hinimok din niya ang mga nagtapos na ituloy ang pagreporma at pagtahak sa “tuwid na daan”. Ang Sinag Lahi Class ay binubuo ng 155 lalaki at 16 na babae. Karamihan sa mga nag-graduate (91 sa kanila) ay piniling sumanib sa Philippine Army samantalang 45 sa Philippine Navy at 35 sa Philippine Air Force.
Maganda namang naipaalala ng Presidente sa mga kadete ang ukol sa reporma. Tatahakin na ng mga bagong graduate ang buhay-sundalo at sa hinaharap maaaring humawak sila ng posisyon sa Armed Forces of the Philippines. Tamang-tama ang paalala lalo pa’t may mga heneral ng AFP na naliligaw ng landas. Sa mga nakaraan, may mga AFP officials na sangkot sa katiwalian at hanggang sa kasalukuyan ay nakakulong pa. May opisyal na dawit sa maanomalyang pagbili ng mga helicopter, helmet, posas at marami pang iba. May mga heneral na nadawit sa “pabaon” at mayroon ding naaakusahan na nagpayaman sa serbisyo. May mga nakatagong yaman at hindi mabilang na mga ari-arian, bahay, mansion at mga mamahaling sasakyan.
Kung binanggit ng Presidente ang tungkol sa Mamasapano incident, maiisip dito ang pagkukulang ng AFP na mabigyan ng tulong ang 44 Special Action Force (SAF) na walang awang pinatay. Ang kasalukuyang AFP chief ay miyembro ng PMA. At tiyak na lulutang din ang papel ni resigned PNP chief Alan Purisima sa “Oplan Exodus”. Si Purisima ay kaibigan ng Presidente. Nagtapos din si Purisima sa PMA.
Kailangan ang reporma. Kailangan ang pagbabago. Ito nga sana ang gawin ng Sinag Lahi Class at hindi sila matulad sa ibang opisyal na mali ang tinahak na daan. Dapat sila muna ang nireporma para magbago ang sistema.