TUMATAGAKTAK ang pawis nina Jo at Tatang Nado matapos ang kanilang sparring sessions. Iyon ang pinakamatagal na pakikipag-spar ni Jo at marami siyang natutuhang teknik kay Tatang Nado. Mas maraming nalalaman si Tatang Nado kaysa kay Manong Wen. Noong nasa Saudi pa siya at nakikipag-spar kay Manong Wen, takot pa siyang humataw. Pero ngayon, ubos lakas ang kanyang paghataw kay Tatang Nado na mabilis din naman nitong nasasangga at siya ang napapalo sa dakong huli. Ilang beses tumalsik ang kanyang arnis makaraang hatawin ni Tatang Nado. Talagang mahusay ang matanda. Maski siguro ang magagaling sa arnis sa bansa ay hindi uubra sa husay at bilis ni Tatang Nado.
“Bakit napakahusay mo sa arnis, Tatang? Ano bang sekreto mo?”
“Laging pagpapraktis!’’
“Pagpapraktis lang?’’
“Sa lahat nang bagay ang pagpapraktis ang pinakamahalaga. Kapag wala kang praktis, hindi ka mananalo. Kapag wala kang praktis, maiiwan ka. Ang praktis ang susi sa lahat para magtagumpay.’’
“Kaya pala napakahusay mo, Tatang.’’
“Noong nasa bundok pa ako, bago pa sumikat ang araw ay nagpapraktis na ako. Mga pakil nga ang aking hinahataw. Kaya lahat nang pakil sa kinaroroonan ko ay bumagsak lahat. Nabugbog sa walang tigil kong paghataw.’’
“Bilib na talaga ako sa’yo, Tatang. Sana, makuha ko ang husay mo.’’
“Praktis lang Jo. Praktis lang!’’
“’Yan ang gagawin ko sa tulong mo, Tatang.’’
“Areglado!’’
KINABUKASAN, nagtungo na naman si Tatang Nado sa paboritong coffee shop para makita si Mam Violy. Umorder siya ng coffee at special ensaymada.
Umuusok pa ang kape at sinimulan niyang higupin.
Nang tumingin siya sa tindahan ni Mam Violy, nakita niya itong nakaupo at may kinukuwenta sa mesa. Seryosong-seryoso si Mam Violy.
Napahinga nang malalim si Tatang Kandoy. Ano kaya at lapitan na niya si Violy at humingi na siya ng tawad. Parang hindi na siya makapaghihintay. Gusto na niyang mayakap at mahalikan ang asawa.
Pero natigilan siya. Nag-isip. Huwag muna. Hindi pa panahon. Kailangang maghintay pa siya. Tama na muna na patingin-tingin lang siya kay Mam Violy.
KINABUKASAN, abalang-abala si Mam Violy sa pagkukuwenta nang biglang dumating ang lalaki na nanghihingi ng protection money. Utos daw ni Colonel.
Nagtaka si Mam Violy sapagkat kabibigay lang niya kamakalawa.
Tumanggi siya.
“Nagbigay na ako di ba?’’
Nagalit ang lalaki.
“Gusto mo magalit si Colonel?’’
Napuno na si Violy.
“E ano kung magalit. Sino ba siya?’’
“Aba’t matapang ka na ha? Putsang…”
“Sige! Sige!”
(Itutuloy)