MAY malaking espasyo sa likod ng kanyang bahay si Jo. Isang lote ito na binenta sa kanya ng may-aring patungong Australia. Sa halip na tayuan ng isa pang bahay, nilagyan niya ng half basketball court. Dito siya naglalaro at dito rin nagpapraktis ng arnis. Pero mula nang kidnapin sina Princess at Precious, hindi na siya nakapagpraktis.
Kinuha ni Jo ang mga arnis na yantok. Ibinigay ang dalawa kay Tatang Nado.
“Maganda ay may ka-spar sa arnis kaysa mag-isang pahataw-hataw,’’ sabi ni Tatang Nado.
“Opo nga Tatang Nado.’’
“Noong nasa bundok ako, ang pinagpapraktisan kong hatawin ay mga pakil. Alam mo yung pakil?’’
“Hindi po.’’
“Uri ng ligaw na saging yun – maraming buto. Yun ang hinahataw ko.’’
“Saan ka natutong humataw, Tatang?”
“Sa lolo ko. Mahusay sa estukada. Na-master niya ang mga pamatay na hataw. Ipinamana nga niya sa akin ang arnis na gawa sa Kamagong pero noong nagloko ako sa buhay, hindi ko na alam kung saan napunta. Sayang yun. Biglang nawala.’’
“Talagang masarap ipalo, Tatang?”
“Oo. Parang bakal na lumiliyad yun kapag inihataw.’’
“Baka po nanakaw.’’
“Hindi ko alam. May pangalan ng lolo ko sa hawakan – Fernando.’’
“Sayang po ano.’’
Napatango si Tatang Nado.
“Sige, umpisa na tayo. Mag-exercise muna tayo. Mas maganda ang may exercise para maging masigla. Sige, sumunod ka sa akin ha?’’
“Opo Tatang.’’
Nag-exercise sila. Kabisado ni Tatang Nado ang mga exercises. Pati mga hakbang at pag-atake ay alam na alam.
Nang matapos ang may 15 exercises ay sinimulan na nila ang pagpapraktis.
Sa simula ay dahan-dahan ang palitan ng hataw. Hanggang sa bumilis nang bumilis.
Napakahusay ni Tatang Nado. Mas mahusay pa kaysa kay Manong Wen na arnis master noong nasa Saudi pa siya.
Nasa timing ang hataw at pagsalag.
(Itutuloy)