HABANG bumababa ng bundok ay nagkukuwentuhan sina Jo, Princess at Tatang Nado.
Panay ang pagtatanong ni Tatang Nado tungkol sa kanyang mag-ina.
“Anong itsura ng asawa ko – ni Violeta?’’
“Maganda pa rin po siya. Bagamat marami na pong puting buhok.’’
“Ang anak ko? Anong itsura niya?”
“Maganda po siya at mukhang matalino. Accountant po siya.’’
“Dalaga pa ang anak ko?”
“Opo. Palagay ko po dahil silang mag-ina lamang ang nakita namin.’’
“Maganda naman sa lugar na tirahan nila?’’
“Palagay ko po ay tahimik naman. Malapit nga po sila sa simbahan ng Paco. Araw-araw po yata ay nasa simbahan si Mam Violeta.’’
“Sila lang dalawa sa bahay?”
“Palagay ko po.’’
“Wala silang katulong o maid?’’
“Wala po akong nakita.’’
Napatangu-tango si Tatang Nado.
Natahimik sila. Nagpatuloy sa paglalakad. Malayo pa ang kanilang lalakbayin.
Nang magsalita si Tatang Nado ay tungkol pa rin sa mag-ina ang tinanong.
“Sa palagay mo, Jo, Princess ay matatanggap pa ako ni Violeta at Noime?’’
“Palagay ko po.’’
“Tulungan ninyo ako, Jo, Princess.’’
“Opo, Tatang Nado, tutulungan ka namin,” sabi ni Princess. “Huwag ka pong mag-alala.’’
“Salamat. Kahit ano gagawin ko, basta mapatawad lang ng aking mag-ina.’’
Napangiti sina Jo at Princess.
Nakarating sila nang ligtas sa kabayanan.
Sa bahay ni Jo tumira ang matanda. Kukupkupin na niya ang matandang pinagkautangan niya ng loob.
Kinabukasan, niyaya ni Jo si Tatang Nado.
“Halika Tatang, may pupuntahan tayo.”’
“Saan?’’
“Sa barber shop.’’
Nagtungo sila sa isang barber shop.
“Magbabay ka na sa buhok mo Tatang, he-he-he”
Makalipas ang kalahating oras, nagupitan na si Tatang Nado. Bumata ang itsura nito. Inahit din ang kanyang balbas.
(Itutuloy)