ISANG lalaki sa Finland ang pinagbayad ng 54,000 euros (katumbas ng higit sa P2.4 milyon) matapos mahuli na nag-o-overspeeding.
Nahuli si Reima Kuisla na nagpapatakbo sa bilis na 103 kilometro bawat oras sa isang kalye na may speed limit na 80 kilometro bawat oras.
Napakalaki ng kanyang multa dahil sa Finland, ang halaga ng multa ay nakabase sa kinikita ng lumabag sa batas trapiko. Nakita na kumikita siya ng 6.5 milyong euro taon-taon base sa kanyang tax return kaya naman pinatawan siya nang napakalaking multa para sa isang simpleng traffic violation.
Hindi naman makapaniwala ang negosyanteng si Reima sa laki ng kanyang kailangang bayaran. Dati-rati raw ay hindi pumasok sa isip niya ang tumira na lamang sa ibang bansa ngunit matapos ang pangyayaring ito ay seryoso na niyang pinag-iisipan ito. Para kasi sa kanya ay masyadong malupit ang mga patakaran sa Finland para sa mga taong malaki ang kinikita na katulad niya.
Hindi naman nakakuha ng simpatya si Reima sa mga kababayan niya sa social media. Ayon sa ibang Finns ay tama lang ang halagang ipinataw kay Reima dahil magiging walang kuwenta ang parusa para sa mayayaman kung magiging pantay-pantay na maliit na multa lamang ang ipapataw para sa lahat.
Ang nangyari kay Reima ay hindi ang unang beses na nagpataw ang mga kinauukulan sa Finland nang napakalaking halaga para sa isang maliit na traffic violation. Kilala na ang Finland sa buong mundo dahil sa pagpapataw nito ng pinakamalalaking multa para sa traffic violations.
Noong 2002 ay pinatawan ng 114,000 euros (katumbas ng P5.6 milyon) na multa ang isang executive ng kompanyang Nokia matapos din itong mag-overspeeding sa kanyang sakay na motorsiklo. Ibinase rin sa kanyang kinikita na 14 milyong euro taon-taon ang kanyang napakalaking multa.