Hindi mapahupang emosyon

Sa linggong ito inaasahang ilalabas na ng binuong Board of Inquiry (BOI) ang resulta ng kanilang isinagawang imbestigasyon kaugnay sa Mamasapano incident.

Nakatakda itong isumite ng BOI ang kanilang report sa tanggapan ng DILG.

Sa kabila nito, sa darating naman na Linggo (Marso 8), isang aktibidades ang ikinasa, sa pangunguna ng mga naulila ng SAF 44, kasama ang kanilang mga kamag-anak, mga ka­ibigan, mga kapwa pulis at ilan pang sektor ang magsasagawa ng ‘Sympathy Walk for Justice’ para sa mga nasawing SAF.

Ito ang ika-40 na araw matapos ang malagim na insidente na hanggang sa ngayon ay patuloy pa ring pinaghaharian ng matinding emosyon.

Tila hindi makalimut-limutan ang araw na ito kung saan naghari ang galit sa marami nating kababayan.

Sa isasagawang aktibidades sa Marso 8, hustisya pa rin ang pangunahing sigaw ng mga lalahok dito.

Hustisya na papanagutin ang mga taong sangkot sa brutal na pagpaslang.

Eh sinu-sino ang mga ito?

Ito ang hanggang sa nga­yon ay binubusisi naman ng tanggapan ng DOJ.

Sakaling sa resulta ng imbestigasyon ng DOJ ay matukoy ang mga may kinalaman sa sinasabing ‘pagmasaker’ doon pa lamang ito masasampahan ng kaso.

Gayunman, may pauna namang pahayag ang  pamunuan ng MILF hindi nila isusuko ang ang kanilang mga miyembro na nakasagupa ng SAF sa Mamasapano.

Hindi naman umano  naka­saad sa ceasefire agreement na kailangan nilang isuko ang mga kaanib na naka-engkuwentro ng puwersa ng pamahalaan.

Paano na yan?

Hanggang sa ngayon ay wala pa ring nababanaag na daan para humupa o mabawasan man lang ang damdamin ukol dito ng marami nating kababayan.

Maging sa mga ilalabas na resulta ng imbestigasyon, mukhang hindi ito mapapalubag.

Idagdag pa na muling bubuksan ng Senado at Kongreso ang pagdinig tungkol sa BBL, na siguradong lilikha din ng magkakaibang opinyon at saloobin ukol dito ang marami nating kababayan.

Na dito hindi maiiwasang maikabit ang nangyari sa Mamasapano.

Show comments