Pinakamaliit na baka sa mundo
ISANG anim na taong baka sa India ang kinilala bilang pinakamaliit na baka sa buong mundo ayon sa Guinness World Records.
Ang baka, na pinangalanang Manikyam ng amo nito, ay may taas 61.5 centimeters. Nakuha ni Manikyam ang world record mula sa dating may hawak nito na may taas na 69.07 centimeters. Sa taas niyang higit lang ng kaunti sa 2 talampakan ay mas maliit pa si Manikyam sa malalaking uri ng aso katulad ng Labrador at German Shepherd.
Nakatira si Manikyam sa bayan ng Athola sa estado ng Kerala na nasa timog na bahagi ng India. Alaga siya ng environmentalist na si NV Balakrishnan na nagsabing pangkaraniwan naman daw ang pagpapakain niya kay Manikyam ngunit sadyang hindi ito lumaki.
Ayon pa kay Balakrishnan, limang taon na niyang alaga si Manikyam na binili niya noong ito ay guya pa lamang. Sa tagal na ng pag-aalaga niya rito ay parang pamilya na rin ang turing niya kay Manikyam. Bukod sa kakaibang liit nito at matalino rin daw ang baka kaya naman lubos ang pagpapahalaga niya rito.
Dahil sa natamo niyang pagkilala mula sa Guinness ay isa na ngayong celebrity si Manikyam sa kanilang bayan. Kasama na sa biglang pagsikat niyang ito ang pagdayo ng mga tao sa bahay ng kanyang amo upang magpalitrato kasama niya.
- Latest