NATAPOS na ang Senate inquiry sa Mamasapano encounter at lumalabas na may pagkukulang ang Philippine National Police (PNP) kaya nalagas ang 44 na miyembro ng Special Action Force (SAF) noong Enero 25. Si resigned PNP chief Dir. Gen. Alan Purisima ang may kasalanan kaya nagkaroon ng lapses sa operation. Napatunayan na si Purisima ang “overall commander” ng “Oplan Exodus” at nangyari ito habang siya ay suspendido. Inamin ito ni Purisima at inako na rin ang responsibilidad sa Oplan Exodus, subalit itinuro naman niya ang sinibak na hepe ng SAF na si Director Getulio Napenas na may awtoridad sa operation at ganundin sa pakikipag-coordinate sa Armed Forces of the Philippines. Pero itinanggi naman ni Napenas ang mga sinabi ni Purisima at pinanindigan na sumusunod lamang siya sa order nang suspendidong hepe ng PNP. Sinabi rin ni Napenas na si Purisima ang nakikipag-ugnayan sa AFP at military habang isinasagawa ang operation sa Mamasapano.
Sabi ni Senate President Franklin Drilon, dapat sampahan ng kaso si Purisima dahil sa pagsasagawa ng mission sa Mamasapano sa kabila na siya ay suspendido. Hindi raw ito dapat ginawa ni Purisima. Ganito rin ang sinabi noon ni Sen. Miriam Defensor-Santiago kay Purisima, kung hindi raw ito nakialam sa operasyon baka buhay pa ang 44 na SAF.
Mabigat ang hinaharap ni Purisima dahil sa nangyari. Kumilos siya nang hindi naaayos at ginawa iyon habang suspendido. Ang isa pang ikinabigat ay nang hindi nito ipaalam kay DILG Sec. Mar Roxas at Acting PNP chief Dir. Gen. Leonardo Espina ang operasyon. Kung bakit gusto niyang ilihim ang operasyon kina Roxas at Espina ay katanungang hindi nasagot hanggang natapos ang inquiry. Malabo pa rin ang dahilan.
Tapos na nga ang imbestigasyon ng Senado at ang tanong ngayon ay ano ang mangyayari kay Purisima gayung siya pala ang dahilan kaya nagkaroon ng lapses sa operasyon. Maparusahan kaya ang kaibigan ng Presidente sa kanyang nagawa? O wala lang? Kapag daw napatunayan, na nagkasala si Purisima, mawawala lahat ang kanyang retirement benefits. Owws!