SABI ng spokeperson ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na si Abu Misri Mama, hindi raw sila susuko. Mamamatay daw silang lumalaban. Hinamon pa niya si President Noynoy Aquino at mga senador na dumampot ng baril at harapin sila. Hindi raw sila natatakot kahit na gaano pa karaming tropa ng gobyerno ang sumalakay sa kanila. Mananalo raw silang tiyak sa pakikipaglaban. Noon daw salakayin sila sa panahon ni President Joseph Estrada, kaunti lang ang nalagas sa kanila samantalang marami sa mga sundalo. Nangamoy bangkay ang hangin sa Maguindanao dahil sa dami ng namatay na sundalo.
Noong nakaraang linggo pa naghahamon ang spokeperson ng BIFF at tila walang makapipigil sa kanyang pagsasalita. Sabi niya, hindi raw isasauli ng BIFF ang mga baril na kinuha nila sa mga namatay na Special Action Force (SAF) commandos. Bakit daw nila ito isasauli e hindi naman nila ito hiniram. Kung gusto raw makuha ang mga baril ng SAF, kailangang magkaroon ng rematch. Kung baga raw sa boksing na-knockout na nila ang kalaban kaya bakit nila isasauli ang mga armas. Handa raw sila sa rematch.
Mabigat ang hamon na ito ng BIFF at hindi dapat palampasin ng gobyerno. Kakaunti lamang ang BIFF at madaling malilipol. Magiging katawa-tawa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) kung ilalampaso sila ng BIFF. Patunayan ng AFP na mas malakas sila at mas kumpleto sa kagamitan. Huwag hayaang maulit ang nangyari sa SAF 44 na walang awang pinatay ng MILF at BIFF noong Enero 25.
Sabi ni AFP chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang, poprotektahan nila ang mamamayan na sinasalakay ng BIFF. Marami raw silang natatanggap na report na sinusunog ng breakaway group ang mga bahay ng sibilyan. Hindi na raw nila tatantanan ang BIFF. Tuluy-tuloy na ang opensiba.