Perwisyo ng selebrasyong ‘dilaw’
(EDSA 1 anniversary)
SA halip na matuon ang pansin ng publiko sa tunay na saysay ng EDSA 1, nalihis doon sa inis at galit dahil sa abalang dulot ng selebrasyon kahapon.
Samo’t saring mga reaksyon ang maririnig lalo na sa mga manggagawang nahuli at tuluyang hindi na nakapasok sa kanilang mga trabaho.
Papaano ba naman kasi, sinara ang maraming pangunahing lansangan tulad ng north-bound lane ng EDSA, South Superhighway, C5 at iba pa. Apektado tuloy ang trapiko.
Sinadyang kinordon ang Wreath-laying People Power Monument sa Ortigas Avenue kung saan isinagawa ng mga kulay dilaw ang kanilang aktibidades. Takot ang administrasyon, baka raw kasi magkaroon ng pag-aalsa.
Ang problema, ang mga pobreng empleyado naman ang naipit. Nakakaawang makita, nagtiyagang maglakad sa init ng araw habang nasisinghot ang usok ng mga sasakyan.
Sa mga istasyon ng mala-sardinas at pupugak-pugak na Metro Rail Transit (MRT), siksikan rin. Ang pila, nakikipagpaligsahan sa mistulang mahabang parking lot na EDSA.
Ako man, naperwisyo rin sa komemorasyon ng People Power 1. Pahirapan sa pagmamaniobra. Gumapang sa buhul-buhol na pila ng mga sasakyan sa nag-iisang bukas na daan makapunta lang sa istasyon kung saan umeere ang aking programa.
Nagdeklara nga ng holiday ang Pangulong Noy Aquino, subalit maaaring hindi nila inasahan ang magiging malaking abalang dulot nito.
Mga estudyante at mag-aaral lang ang walang pasok pero ang mga nagtatrabaho mapa-pribado at tanggapan ng gobyerno, may pasok pa rin.
Tulad ng lagi kong sinasabi sa aking programang BITAG Live maging sa kolum na ito, lansangan ang pangunahing basehan kung anong uring pamumuno, panunungkulan, kulay, kultura at lasa mayroon ang isang bansa. Dito rin makikita kung pabaya at palpak ang mga namumuno at nangangasiwa.
Sa mga naidulot na perwisyo at abala ng nasabing anibersaryo malinaw pa sa sikat ng araw kung anong uring pangangasiwa mayroon tayo sa pamahalaan.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas-10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.
- Latest