Ang Tunay na Lider

…hindi nagpapasama ng loob ng mahihirap niyang nasasakupan

MINSAN, nagkuwento si Jessie Duarte tungkol sa kanyang dating boss. Siya  ang dating Deputy Secretary-General ni Nelson Mandela noong Presidente pa ito. Si Mandela ang 1st President ng South Africa. Kapag nagbibiyahe, umaakto rin siyang personal assistant ng Presidente.

Nagpunta sila noon sa Shanghai China at tumuloy sa isang hotel. Napag-alaman ni Duarte na bahagi ng Chinese hospitality – sila ang nag-aayos ng tutulugan ng guest at nagsisilbi ng pagkain. Maiinsulto sila kung guest ang gagawa ng trabahong dapat sana ay sa kanila. Binanggit ito ni Duarte sa kanyang boss dahil ugali  ni Nelson Mandela na siya ang nag-aayos ng sarili niyang tulugan, nasa sarili o labas man ng kanyang tahanan. Hindi siya komportable na iasa ang mga personal niyang pangangailangan sa ibang tao. Upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan, ipinatawag ni Mandela ang staff ng hotel na naka-assign na mangalaga sa kanyang pangangailangan. Kinausap niya ang mga ito ng masinsinan at nagpaliwanag na huwag masamain kung ang gusto niya ay siya ang mag-aayos ng sarili niyang tulugan.

Natapos nang maayos ang pagtigil ni Mandela sa hotel. Ayon kay Duarte, mas pinapahalagahan ni Mandela ang magiging impresyon sa kanya ng “masa” kaysa magiging impresyon sa kanya ng mga “big time” o VIP na personalidad. Mas malaking kasalanan sa kanya na pasamain ang loob ng mahihirap kaysa mayayaman. Mahirap na nga sa material na bagay, kawalanghiyaan na, kung hahayaan silang maghirap ang kalooban. At iyon ang isang magandang ugali ng tunay na lider, ayon kay Duarte.

Show comments