Patapusin na lang si P-Noy
LUMALAKAS ang panawagan na mapatalsik sa puwesto si President Noynoy Aquino matapos ang palpak na operasyon sa Mamasapano, Maguindanao na ikinamatay ng 44 SAF commandos.
Kaliwa’t kanang kilos protesta ang ikinakasa upang ipanawagan na magbitiw na si P-Noy.
Hindi ito makabubuti bagkus makakasama pa sa ating bansa dahil may ilang grupo na makikinabang dito.
Sakaling magbitiw sa puwesto si P-Noy, ang tanging makikinabang ay mga pulitikong may ambisyon na pamunuan ang gobyerno.
Makakabuti kung patapusin na lang si P-Noy hanggang Hunyo 30, 2016 upang maiwasan ang kaguluhan at epekto na naman sa katatagan ng pulitika sa bansa.
Kung magpapalit ng Presidente, lahat nang Gabinete at opisyal ng gobyerno ay mababago na naman. Asahan na ang pagbabago ng polisiya at panibagong magsasamantala sa kaban ng bayan.
Kung talagang mapapatunayan na nagkaroon ng pagkukulang si P-Noy sa Mamasapano incident at iba pang eskandalo tulad ng DAP, maaring papanagutin ito pagkatapos ng termino.
Puwdeng sampahan siya ng kaso upang mapanagot sa batas dahil mawawala na ang kanyang immunity sa pagbaba niya sa puwesto sa 2016.
Napakalapit na ng 2016 elections. Sa Oktubre ay maaari nang maghain ng certificate of candidacy ang mga kandidato kaya wala nang halaga na magpalit pa ng Presidente sa pamamagitan ng puwersahang pagpapabitiw o pagpapalayas sa Malacañang.
Ang militar at pulisya ay hindi dapat na magpaudyok sa mga nagnanais na manggulo at patalsikin ang presidente at sa halip tiyakin na magiging maayos ang sistema sa gobyerno. Hayaan ang mga kilos-protesta sapagkat bahagi ito ng umiiral na demokasya.
- Latest