KASAMA na sa ating kultura ang pakikiramay sa kamag-anak, kaibigan o kapitbahay na namatayan. Maipapakita ang pagdamay sa oras ng kalungkutan sa pamamagitan ng pagtulong sa pagluluto ng pagkaing ihahain sa mga nakikipaglamay, pagtulong sa paghuhugas ng pinggan, pagsali sa pagdadasal o simpleng pagkumusta sa mga naulila at pagsulyap sa katawan ng namatay.
May isang pulitiko akong kilala na lahat ng patay sa kanyang nasasakupan ay kanyang pinupuntahan. Talagang present lagi siya sa lamay ng lahat ng namamatay. I repeat, LAHAT. Ang hula ng mga tao, may mga tauhan siya na ang trabaho ay mag-monitor kung saan may lamay ng patay maging iyon man ay nasa ikapitong bundok. At galante ang pulitikong ito, malaking mag-abuloy si Sir. Ang pulitikong ito ay laging panalo sa lahat ng posisyong kanyang tinakbuhan.
Sa aming probinsiya, wala kang kuwentang tao o pagbibintangan kang mapagmataas kung hindi ka nagpupunta sa lamay ng kapitbahay, kamag-anak o kakilala. Ang palusot ng isang matandang sosyal na hindi mahilig umatend ng lamay o makilibing man lang ay naaalala raw niya ang pagkamatay ng kanyang mister. Maaga kasi siyang nabiyuda. Nananariwa raw ang lungkot sa kanyang puso. Tinataasan lang ng kilay ang kanyang palusot. Kaya nang namatay siya, mga anak, apo, manugang at kamag-anak ng mga manugang ang naghatid sa kanya sa sementeryo. Malungkot ang mamatayan ngunit lalo itong pinalungkot ng eksenang kakaunti lang ang mga taong nakikipaglibing sa matandang sosyal.
Minsan ay may nabili akong libro tungkol sa paniwalang Tsino. Kung ikaw ay isang pulitiko at gusto mong yumabong ang iyong political career, ang sekreto ay ito: May good luck na hatid ang pagpunta sa lamay ng patay lalo na kung matapat ito sa ikaapat na araw mula sa New Moon. Applicable rin ang paniwalang ito sa mga opisyal ng gobyerno na nais ma-promote sa mataas na posisyon.
Sa Thailand, kung nais mong dapuan ng good luck, magdonasyon ka ng 500 Baht sa isang Chinese temple. Ang donasyon ay ipinambibili ng kabaong at ginagastos sa pagpapalibing sa mga biktima ng aksidente pero walang kamag-anak na kumikilala sa kanila. O, kaya mga palaboy na basta na lang namatay sa kalye. Ipinantutulong din ito sa mahihirap na walang pampalibing. Ang donor ay binibigyan ng isang pink at isang white paper. Ang pink paper ay ididikit sa bagong biling kabaong. Ang white paper naman ay susunugin sa altar kung nasaan ang deities, kahalintulad ng mga santo ng Katoliko. Kung may wish ka, usalin mo iyon habang sinusunog mo ang papel. Kahit hindi Buddhist ay welcome sa temple na ito.
Makikita natin na ang gawaing pakikiramay sa namatay at naulila ay nagdudulot ng good karma. Kaya next time na may lakad ka, at wala namang mapeperwisyo kung ipo-postpone mo ito, unahin mo muna ang mga namatay, lalo na kung ang ikinamatay ng mga ito ay ang pagtatanggol sa bayan.