M AY paalala ang general manager ng Metro Rail Transit (MRT) sa mga pasahero: “Humawak nang mahigpit sa hand rails para hindi mapasubsob o matumba kapag nagkaroon ng insidente.”
Ang paalala ay ginawa ni MRT General manager Roman Buenafe makaraang masaktan ang tatlong pasahero nang biglang magpreno ang dalawang tren noong Martes. Ang unang tren na biglang tumigil ay naganap dakong 9:30 ng umaga samantalang ang ikalawang pangyayari ay naganap ng 11:00 ng umaga.
Ayon sa report, naganap ang unang pagtigil ng MRT bago sumapit sa Santolan station at ang ikalawang pagtigil ay sa Magallanes Station. Sa lakas nang biglang pagtigil, parang dominos ang mga pasahero na nagtumbahan sa tren. Parang inihagis ang mga pasahero sa lakas nang pagtigil. Nauntog ang tatlong pasahero samantalang ang iba ay nagkaroon ng gasgas sa mukha.
Ayon kay Buenafe, ipatatawag niya ang driver ng dalawang train para pagpaliwanagin sa bigla-biglang pagtigil. Hindi raw niya kukunsintihin ang mga drivers na hindi maayos sa paghinto. Sinabi rin naman ni Buenafe na alam niyang luma na ang mga tren at maaaring tumirik ang mga ito o kaya ay biglang tumigil. Sabi pa ni Buenafe, 14 sa 22 MRT trains ang operational.
Noong nakaraang taon, sunud-sunod ang insidente sa MRT. Mayroong lumusot sa barriers, may train na biglang bumubukas ang pinto, may umuusok at ang matindi, tumitirik kaya walang magawa ang mga tao kundi maglakad.
Sa kabila ng mga kapalpakan ng MRT, nagtaas pa ng pamasahe noong Enero. Hanggang kailan magtitiis ang mga pasahero ng MRT sa masamang serbisyo? Kawawang mga pasahero na nagbabayad naman nang tama pero kulang sa serbisyo.