‘Home (not) sweet home’

HINDI alintana ang yanig ng sahig sa kaunting galaw ng lupa o ang pagkatas ng putik sa tuwing papasok ang tubig. Basta’t may masilungan sa pagbuhos ng ulan, pananggalang sa tirik na araw at hampas ng hangin… sapat na ang munting barung-barong na kung tawagin nila’y kubo. Kahit kubo man, tahanan ito para sa pamilya ni Fernando Gillo o “Fernan”, 42-anyos. Kasaluku­yang trak drayber at dating may ‘junk shop’.

“Inupahan ko ang tinayuan ng kubo namin ng P1,000. Tatlong libo ang binigay ko. One month advance, two months deposit,” panimula ni Fernan.

Mula sa bayan ng Marikina nagsadya sa amin si Fernan para ireklamo ang pagpapabaklas ng kanilang kubo ng Marikina Settlements Office (MSO). “Alam naman naming pansa­mantala lang kami dun pero isang buwan pa lang kami ng sitahin nila,” sabi ni Fernan.

Laking Tondo, Manila si Fernan. Dati siyang nagtatrabaho sa Pier 2. Dito na siya unang nagkaroon ng pamilya. May kinakasama siya noon at nagkaroon ng dalawang anak dito — parehong nasa ina ang mga bata. “Madalas kami mag-away, sa huli naghiwalay din kami,” ani Fernan.

Pagtagal nakilala niya ang biyuda na si Bernadita “Dadeth”, 63-anyos. Tubong Tarlac, da­ting kusinera sa Cubao. Isang kaibigan ang nagbigay ng cellphone number ni Dadeth sa kanya. Naging mag-‘textmates’ sila ni Dadeth. Nagkita sila (eyeball) sa Isetann-Cubao. Dalawang buwang mag-textmate ang dalawa hanggang magkaroon sila ng relasyon. Malayo man ang edad ni Dadeth sa kanya at halos ka-edad niya ang panganay nito, nagdesisyon daw silang magsama at magpakasal. Sa Tondo sila tumuloy. Nagtrabaho sa Pier si Fernan, hawak siya ng ahensya kaya’t pag-endo (end of contract) niya natagalan na bago siya makabalik. Naghanap siya ng panibagong trabaho.  Naging drayber siya ng trak na may lamang kalakal. Mula Pampanga dinadala nila ang kalakal sa Carmona. Sa matandang gulang, maswerte pa raw na nabuntis si Dadeth. Nagkaroon sila ng isang anak na babae. Apat na taon na ngayon.

“Sa bahay ng anak ni Dadeth muna kami tumuloy nun pero nung katagalan naisip na naming bumukod,” ani Fernan.

Isang kaibigan ang nagsabi sa kanila na may alam siyang pribadong lote sa Champaca, Brgy. Fortune, Parang Marikina na nagpapaupa. Agad pinuntahan ni Fernan ang lugar. Nakausap niya rito si Obet Torres, nasa edad 60 anyos – ang nagpakilala umanong ‘caretaker’ ng lupa. Nalaman nila Fernan na ang lote ay pagmamay-ari umano ng isang Bob Torres. Halagang P1,000 daw ang upa sa lupa na may sukat na 100sqm kada buwan. One month advance, two months deposit.  Ibinigay ni Fernan ang halagang P3,000 kay Obet. Bago pa raw nito tanggapin ang pera tinext niya ang may-ari at pinakita raw sa mag-asawa ang text message na, “Kunin mo 3,000 bigyan mo sila ng resibo.” Sa kopya ng resibong ipinakita sa amin ni Fernan nakalagay dun ang halaga ng bayad para sa nasabing sukat ng lupa. Nangyari ang bayaran nung ika-9 ng Setyembre 2014. Pagdating sa lugar, may apat na kubo nang nakatayo dito. Sinimulan ni Fernan ang pagtayo ng kanyang barung-barong. Naglagay siya ng kaunting hollow blocks sa pader na kanya lang pinagpatong-patong, walang bakal sa loob. Pansalag lang ito sa anggi ng ulan. Naglagay din siya ng kaunting semento sa sahig para hindi sila maputikan sa pag­tulog. Maliban dito, kahoy ang materyales ng kubo. Kasabay din niyang itinayo ang maliit na junk shop para pagkakitaan nila. Tatlong libo lang daw ang puhunan niya rito. Isang buwan mahigit pa lang sila nang simulan silang sitahin ng inspektor ng MSO na nakilala niyang si “Nestor”, kasama ang isa pang safety officer.

“Sinabihan kami na ba­wal magtayo dun… panandalian lang naman ’yun sabi namin,” ani Fernan. Sumunod na hiningi sa kanya ni Nestor ang Bldg. Permit sa pagpapatayo nila ng kubo. Walang naipakita sina Fernan. Muling bumalik sina Nestor at sa pagkakataong ito dala na nila ang isang Notice na pinatatanggal ang iligal daw nilang istraktura. Nakalagay din na, Note: No Sanitary Toilet. Binigyan sila ng pitong araw para lisanin ang lugar. Nakiusap naman sina Fernan at nagtagal pa sila dun hanggang magdaan ang Pasko at Bagong Taon. Pinarating nila sa Barangay ang kanilang problema, ipinaliwanag naman ng barangay na wala silang magagawa kung iyon ang utos ng MSO.

Ika-7 ng Enero 2015, napilitan sina Fernan kundi baklasin ang kanilang kubo at junkshop. “Yung kalakal ko binenta ko na lang sa halagang P1,500… kahit pandagdag lang,” ani Fernan. Sa ngayon ay nakikituloy sina Fernan sa pinsan ni Dadeth sa Marikina, ang materyales ng dating kubo nila, nakatambak lang sa bahay ng pinsan.

Katanungan ni Fernan, maari ba nilang panagutin ang MSO para sa gastos nila sa pagpapatayo ng kanilang kubo? “Sampung libo rin ang inabot ng kubo namin… hindi pa namin natatapos ang renta namin sa lupa pinaalis na nila kami,” ani Fernan.

Ito ang dahilan ng pagpunta ng mag-asawang Fernan at Dadeth sa aming tanggapan. Itinampok namin ang istorya nila sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. “HUS­TISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12NN). SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, una pa lang, alam na nila Fernan na ang pagpatayo ng kubo sa lugar ay pansa­mantala lang, hindi perma­nente. Sinabi namin kay Fernan na maari siyang maghabol sa kanyang renta sa caretaker na si Obet kung hindi pa nila natatapos ang dalawang buwan na deposito ng upa sa lupa.

Naiintindihan namin ang MSO dahil ayaw na nilang dagsain sila ng informal settlers. Nakalagay din sa Notice na walang tamang palikuran o CR ang kubo nila Fernan, marahil isa ito sa dahilan ng pagpapabaklas ng kanilang kubo dahil pagtagal dudumi ang paligid at maaapektuhan ang mamamayang malapit sa pribadong lote.

Ganun pa man, para lubos na matulungan sina Fernan, pinapunta namin sila sa Public Attorney’s Office, Marikina para tulungan silang mabawi ang kanilang binigay na pera para sa renta na wala pala siyang karapatan na payagan silang makapagpatayo ng bahay dun. Ilagay nila ang aktwal na nagastos nila sa pagpapatayo ng kubo para pati yun masingil nila. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor City State Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854.  Land­line 6387285 / 7104038.

Show comments