Lalaki sa UK, nadiskubreng may matris at puwedeng magbuntis
ISANG lalaki sa United Kingdom ang hindi makapaniwala nang matuklasan na siya ay may matris at puwedeng magdalantao.
Ang 37-anyos na lalaki, na hindi na isinapubliko ang pangalan dahil sa pagiging maselan ng kanyang kalagayan, ay nagpunta sa ospital sa pag-aakalang may cancer siya. Sinuri siya ng mga doktor sa pamamagitan ng isang MRI scan at noon natuklasan na mayroon siyang matris at puwede siyang magbuntis.
Napag-alaman pa na katulad din ng isang babae, may menstrual period o regla rin ang nasabing lalaki. Napansin kasi ng lalaki ang dugo sa kanyang pag-ihi at ito ang nagbigay sa kanya ng maling akala na may cancer siya sa pantog. Ang pag-aakalang ito ang nagtulak sa kanya upang pumunta sa ospital at magpatingin sa mga doktor.
Ayon sa mga doctor, mayroong Persistent Müllerian Duct Syndrome (PMDS) ang lalaki. Ito ay ang kondisyon kung saan mayroong matris ang isang lalaki sa kabila ng pagkakaroon niya ng penis. Pinayuhan ng mga doktor na magpaopera ang lalaki para maalis ang matris.
Susuriin naman ang DNA ng lalaki upang malaman kung ano ba talaga ang kasarian niya. Ayon naman sa lalaki, magpapatuloy pa rin siyang mamumuhay bilang isang lalaki kahit ano pa ang maging resulta ng pagsusuri.
- Latest