‘Proyekto, aktibidades, programa’
MARAMING isyu ang naglulutangan. Huwag matsutsubibo at magpapaniwala sa mga basurang naglalabasan sa telebisyon, radyo at dyaryo.
Malapit na ang eleksyon. Bantayan ang mga proyekto, aktibidades at programa o PAPS. Lahat ng inilulunsad ng gobyerno laging may kaakibat na pondo. Lahat ng mga ito, malaki ang impak sa susunod na taon.
Baka kasi naaliw na ang publiko sa mga isyu at kaganapan sa mga balita. Na kung aanalisahin, pilit sinasakyan, inaangkasan at sinasawsawan ng mga bahag ang buntot na pulitiko.
Kaniya-kaniya na silang porma at pagpoposisyon. Nagpapatalbugan. Nagbubula ang mga bibig sa tuwing haharap sa mga mikropono at kamera.
Syempre nga naman. Sayang ang pagkakataong makapag-iwan ng tatak sa isipan ni Juan at Juana Dela Cruz.
Kaya sa bawat establisyemento, istruktura, daan o anumang mga proyekto ng pamahalaan, amuyin, tingnan at lasahan.
Kapag hindi kasi ito nabantayan ng taumbayan nagkakaroon ng pagkakataon ang mga kurakot at tiwaling pulitiko para makapagnakaw.
Pinupukaw ng BITAG Live at ng kolum na ito ang taumbayan. Sana natuto na si Juan at Juana Dela Cruz.
Nakasalalay sa kamay ng taumbayan ang kahihinatnan ng isang bansa.
Abangan ang Bitag Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas-10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.
- Latest