‘Buhangin’
STRESS Management Seminar. Ang speaker na isang psychologist ay may bitbit na tig-isang plastic na buhangin sa magkabilang kamay. “Class, sa palagay ba ninyo ay mahihirapan ako sa pagbitbit ng mga ito?”
“Depende sa weight ng buhangin, mas mabigat, mas mahihirapan ka.” Nagkakaisa ang sagot ng mga participants.
Ngumiti ang psychologist at pagkatapos ay umiling. “Walang kinalaman ang weight ng buhangin. Ang hirap na mararanasan ay depende kung gaano mo ito katagal bibitbitin. Kung isang segundo ko lang naman bibitbitin ang buhangin. Walang problema. Kung isang oras, medyo nakakangawit na ng braso. Kung isang buong araw, aba, maninigas na ang braso ko, at katangahan na iyon, dahil puwede ko namang ibaba ang buhangin. Ang nagpapabigat ng problema ay ang sobrang pag-iisip dito.”
Nagpatuloy sa pagsasalita ang psychologist. “Ang stress at worries sa buhay ay kahalintulad ng bitbit na buhangin. Isipin mo ang worries mo ng isang minuto, okey lang. Isipin mo ng apat na oras. Aray! masakit na sa dibdib. At kung maghapon mo itong iisipin, mapa-paralyzed na ang utak mo, wala ka nang magagawa sa maghapon kundi tumunganga.”
Ipagpatuloy ang buhay gaano man kabigat ang problemang dumarating. Laging tandaan, puwede namang magpahinga at ibaba ang bitbit na buhangin.
- Latest