Manong Wen (191)
“KAPAG ganyan daw po ang nararamdaman ay maaaring magkatotoo Mam Diana,” sagot ni Diego.
“Talagang malakas ang kutob ko.’’
“Pero maghanda po tayo Mam at baka may panganib. Palagay ko po, mga wala nang kaluluwa ang kumidnap sa dalawa mong anak. Di po ba nakita natin kung paano pinatay ang isa nilang kasamahan at saka inilagay sa loob ng van?’’
“Nakahanda ako sa anumang mangyayari, Diego. Hindi ako natatakot sa kanila. Kaya ko silang harapin.’’
Napatangu-tango si Diego. Talagang handa na si Mam Diana sa lahat alang-alang sa dalawang anak.
Nang may mapansin si Mam Diana sa baywang ni Diego.
“May baril ka pala Diego?”
Nagulat si Diego at hindi na naitago ang baril na nakasuksok sa baywang.
“Opo Mam Diana! Sori po, hindi ko nasabi sa’yo.’’
“Saan galing yan? May lisensiya ba’yan?’’
“Wala po.”
“Bakit meron ka nyan?’
“Kinuha ko po ito sa tabi ng bangkay ng lalaki na nakita natin sa van. Kasi po, nag-aalala ako na wala tayong pananggol sa sarili sakali at makaharap natin ang mga kidnaper. Kung may baril po, maipagtatanggol ko ikaw. Pero isusurender ko po ito sa mga pulis pagkatapos ng ating paghahanap sa mga anak mo.’’
Napatangu-tango si Mam Diana. Humanga siya kay Diego. Handa pala siyang ipagtanggol nito.
“Marunong kang bumaril, Diego?”
“Opo. Dati po akong sundalo. Marine. Napalaban na po ako sa Maguindanao at sa Patikul. Nagbitiw po ako mga dalawang taon na ang nakalilipas.’’
Napatango uli si Mam Diana.
“Ikaw po kasi ang inaalala ko kaya ako nagpasya na kunin ang baril. Kawawa ka kapag binalingan ng dalawang hayop.’’
“Salamat sa pag-aalala mo, Diego. Pero huwag mo akong intindihin dahil mayroon din akong baril. Narito sa bag ko. Sanay din akong bumaril. Noong nabubuhay pa ang asawa kong Australian, tinuruan niya ako. Sharpshooter siya.’’
Napamulagat si Diego. Hindi iyon inaasahan.
“Kaya kahit na sumalakay ang dalawang buhong, kaya natin silang harapin.’’
Maya-maya, may natanaw sina Mam Diana at Diego. Dalawang babaing tumatakbo sa kalsada at patungo sa kanilang direksiyon.
Lalo pa silang nagulat nang makita na may humahabol sa dalawang babae.
“May mga humahabol po sa dalawang babae, Mam Diana.’’
“Oo nga. Teka Diego, hindi kaya ang dalawang babaing yan ay ang mga anak ko?’’
(Itutuloy)
- Latest