ANG bayan ng Mount Athos ay nasa bulubunduking bahagi ng Greece at simula pa noong mga unang panahon, marami nang mga monasteryo ang itinayo rito dahil sa kanyang liblib na lokasyon.
Ang pagkakaroon ng mga monasteryo sa Mount Athos ang dahilan kung bakit ilang libong taon nang walang babae sa nasabing lugar. Mapa-tao man o hayop ay wala pang kababaihan ang pinapayagang tumapak sa Mounth Athos simula nang ito ay maging lugar ng mga monasteryo.
Napapanatili pa rin ng mga monghe ang tradisyon na ito sa kasalukuyan dahil hanggang ngayon, hanggang pagtanaw lang sa Mount Athos ang puwedeng gawin ng mga babae mula sa kalapit na ilog. Ang mga turistang lalaki naman ay puwedeng bumisita sa mga Mount Athos na minsan ay pinapayagan pa ngang matulog ng ilang gabi sa mga monasteryo doon.
Ayon sa mga monghe, mariin nilang ipinagbabawal ang mga babae sa Mount Athos dahil naniniwala silang makakagulo lamang sa kanilang mga simpleng pamumuhay kung babaguhin nila ang kanilang nakagawian. Para sa kanila, tanging si Birheng Maria lamang ang babae na kanilang pagtutuunan ng pansin.
Kinokondena naman ng ilang grupo ang pagbabawal ng Mount Athos sa mga babae dahil para sa kanila, isa itong paraan ng diskriminasyon. Hindi naman natitinag ang mga monghe sa mga batikos at hanggang ngayon, wala pa rin silang balak baguhin ang kanilang kakaibang patakaran.