KATULAD ng Department of Trade and Industry (DTI) mabagal ding kumilos ang Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) sa pag-rollback ng pasahe. Imagine, maraming beses nang nag-rollback ang gasoline at diesel pero hanggang ngayon, hindi pa nagkakaroon nang kahit singkong rollback sa bus at taxi. Ginagawa ba ng LTFRB ang kanilang trabaho? O nagpapalaki lamang sila ng “eggs” sa malalamig nilang opisina. Kahapon, nag-rollback na naman nang mahigit P1 ang diesel at gasoline at sa susunod na linggo ay mayroon naman. Sadsad na ang presyo ng petroleum products sa world market pero hindi maramdaman ng mga mahihirap na sumasakay sa bus at taxi. Nag-rollback ng 50 sentimos sa jeepney pero may ilang masiba na drayber na hindi na nagsusukli ng 50 sentimos kapag nagbigay ng P8. Hindi kasi tinututukan ng LTFRB ang mga jeepney drayber kung nagpapatupad ng bawas-pasahe ang mga ito.
Lubhang kawawa ang mahihirap na lagi na lamang nalalamangan pagdating sa pagbabawas ng pasahe. At walang ibang dapat sisihin kundi ang LTFRB. Kung ginagawa nila ang trabaho, dapat sana’y nakadakma na sila ng mga jeepney driver na hindi sumusunod sa fare matrix. Pero paano nga makadadakma ng mga masisibang drayber gayung nagpapalamig lang sila sa kanilang tanggapan. Wala silang pakialam kung sumunod o hindi ang mga drayber.
Ang masaklap nito ay kapag muling sumipa ang presyo ng gasoline at diesel. Kapag muling tumaas, talo na naman ang mahihirap. Ang nakinabang lamang ay mga operator ng bus at taxi. Sila lamang ang nag-enjoy ng murang gasoline at diesel.
Walang ipinagkaiba ang LTFRB at DTI na mabagal pa sa pagong kung kumilos. Maawa naman sana ang dalawang tanggapang ito sa karaniwang mamamayan na kakarampot lang ang kinikita. Magpatupad na ng bawas-pasahe at bawas-presyo sa mga pangunahing bilihin.