Buti na lang at natrapik si Drilon
MAS nakabuti yata na nakaranas nang matinding pagsisikip ng trapiko na kung saan ay umabot ng mahigit 11 oras ang biyahe ni Senate President Franklin Drilon mula sa kanyang tahanan sa San Juan patungong Baguio City noong nakaraang holiday season.
Marahil, kung hindi natrapik si Drilon ay baka hindi naipursige ang panukalang integration o pag-isahin na ang toll collection sa expressways sa bansa.
Uunahin na magsanib para sa toll collection ay ang North Luzon Expressway (NLEX) at Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) .
Masasabi nating malaki ang maitutulong ng integration sa toll collection upang mabawasan ang problema sa trapiko lalo na sa panahon ng holiday season na magtutungo sa Norte tulad sa Baguio City at kalapit na lalawigan.
Para sa motorista, isang beses na lamang magbabayad ng toll fee na makakabawas sa trapiko at mas mapapabilis ang biyahe.
Malaki ang maitutulong ng integration lalo na sa mga negosyante na nagbibiyahe ng mga produkto mula sa norte patungo sa Metro Manila at kalapit lugar.
Mas lalaki ang produksiyon at uunlad ang kalakalan at negosyo dahil bibilis ang biyahe.
Sa pagkakataong ito, dapat na purihin si Drilon dahil malaking tulong ito sa mga motorista.
Parang nakabuti pa nga na personal na naranasan ng Senate president na maipit sa trapik noong nakaraang holiday season at gumawa ito ng hakbang upang masolusyunan ang problema.
Bagamat hindi ito ang buong solusyon pero malaki ang maitutulong nito upang mas maging mabilis ang biyahe ng mga motorista.
- Latest